Publiko, ‘wag matakot isumbong ang pasaway na pulis
- BULGAR

- Apr 29, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 29, 2025

Nakakadismayang malaman na ang inaasahan nating dapat na nagpapatupad ng mga batas ay sila itong pasaway na nasasangkot pa sa extortion.
Nadakip kasi ng Philippine National Police (PNP) anti-scalawag unit ang tatlong pulis na nakatalaga sa Caloocan City Police Station dahil sa umano pangingikil ng pera mula sa mga pamilya ng inmate.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, batay na rin sa report ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), dahil sa ginawang entrapment operation ay naaresto nila ang mga opisyal na may ranggong major, master sergeant at patrolman.
Nag-ugat ang naturang operasyon sa reklamo ng mga kaanak ng isa sa mga detainee na napipilitang magbayad ng hindi bababa sa P1,500 kada pagbisita, kabilang dito ang P200 entry fee at P550 para sa paggamit ng waiting area. Dalawang detainee naman ang inaresto na in charge sa koleksyon.
Giit ni Marbil, hindi nila kukunsintihin ang katiwalian sa kanilang hanay at hindi sila tumitigil sa paglilinis sa buong kapulisan.
Sa ngayon aniya, ang tatlong pulis ay nahaharap sa kasong kriminal at administratibo na may maximum penalty na pagkakatanggal sa serbisyo.
Malaking hamon talaga para sa ating kapulisan ang mga anay na sumisira sa kanilang hanay dahil napakarami at hindi maubos-ubos.
Madalas pa sa mga pulis, kung hindi sangkot sa droga ay sila mismo ang nagiging adik, at halos yata ng katiwalian o masasamang gawain ay pinapasok na. Kaya naman ang mga mamamayan ay hirap nang magtiwala sa kanila.
Sa mga police scalawag, makonsensya naman sana at tigilan na ang masamang gawain.
Hiling natin sa kinauukulan na huwag tantanan ang pagtugis sa mga tiwaling law enforcer, patawan sila ng mas mabigat na parusa bukod pa sa pagtanggal sa kanila sa serbisyo.
Sa ating mga kababayan, huwag tayong mangimi o matakot na isumbong ang mga pasaway na pulis nang sa gayon sila naman ay mabawas-bawasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments