Publiko, simulan nang mag-ipon ng pasensya para sa EDSA rehab
- BULGAR

- May 21, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 21, 2025

Isa ang EDSA sa inaasahan ng mga motorista sa araw-araw na accessible na lansangan — papunta sa trabaho, eskwelahan, at iba pa. Isa rin ito sa pinakamahalagang pinagmumulan ng transportasyon sa Metro Manila. Kaya naman ang tanong ng marami, hindi ba’t nararapat lamang na matagal na itong naisaayos at napabuti para sa kapakanan ng publiko?
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, matapos ang ilang ulit na pagkaantala, tuloy na ang rehabilitasyon ng EDSA na sisimulan sa kalagitnaan ng Hunyo.
Ang proyektong ito, na inaasahang tatagal ng dalawang taon, ay bahagi ng paghahanda ng bansa para sa nalalapit na pagho-host ng ASEAN Summit sa susunod na taon.
Bagama’t expected na ang mabigat na trapiko, iginiit ng DOTr na may mga plano at gagawin sila upang maibsan ang epekto nito sa publiko. Kabilang sa mga hakbang na tinatalakay nila ay ang posibleng suspensyon ng toll fees sa ilang bahagi ng Skyway.
Anang opisyal, kasalukuyan na umanong nakikipag-ugnayan ang DOTr sa San Miguel Corporation (SMC) para sa pansamantalang pagbubukas ng ilang bahagi ng Skyway na maaaring daanan ng mga apektadong motorista.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH), DOTr, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagtutulungan na rin upang maglatag ng traffic management plan.
Sinabi naman ni DPWH Secretary Manny Bonoan, malapit nang ilabas ang final scheme ng rerouting para sa mga motorista na regular na dumaraan sa EDSA. Inaasahan naman na ang unang bahagi ng konstruksyon ay magsisimula mula Roxas Boulevard hanggang Guadalupe. Patuloy din ang operasyon ng EDSA Busway, subalit asahan na ito ay lilipat ng lane at gagamit ng espasyo mula sa mga pribadong sasakyan.
Kahit tila huli na ang rehabilitasyon o sinasabing rebuild ng EDSA, mahalaga pa ring alamin kung sapat ba ang naging paghahanda at konsultasyon para sa proyektong ito. Kung dalawang taon ang aabutin ng konstruksyon — sana maging sapat ang mga alternatibong ruta at abiso para sa milyun-milyong umaasa araw-araw sa EDSA.
Marahil, mahalagang bigyan ng mas malalim na atensyon ng gobyerno na ayusin ang naturang lugar. Gayundin, hindi dapat makuntento ang mga opisyal sa pagpapaalala lamang tungkol sa trapiko. Dapat masiguro nila na ang mga hakbang na gagawin ay detalyado, malinaw sa publiko, at may matinong plano upang ito ay maayos na matatapos. Dahil sa huli, ang mga komyuter at ordinaryong mamamayan pa rin ang pangunahing maaapektuhan nito.
Panahon na rin upang maging proactive, hindi reactive, ang gobyerno sa mga isyung tulad nito, dahil sa mga ganitong usapin ang laging talo ay ang taumbayan.
At payo natin sa mga kababayan, ngayon pa lang ay mag-ipon na ng mahabang pasensya upang maging handa sakaling simulan na ang rehab ng EDSA.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments