Publiko, ingat sa ibinebentang yosi online
- BULGAR

- Feb 23, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Feb. 23, 2025

Babala sa mga nag-iisip na pagkakitaan ang mga puslit na sigarilyo na nasamsam at ibenta sa halip na ang mga ito ay sirain o wasakin.
Inihahanda na kasi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong isasampa laban sa ilang indibidwal matapos mabisto ng kagawaran ang isang planta sa Capas, Tarlac, na imbes sunugin ang mga nakumpiskang smuggled na yosi ay ibinebenta pa nila ang mga ito online.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kinontrata ng Bureau of Customs (BOC) ang nasabing destruction plant para wasakin ang mga nasabat na produkto. Pero aniya, iniaalok ng mga ito sa online kung sino ang may gustong bumili.
Paliwanag ng opisyal, kumbaga sa shabu, ito ay recycled na, kung saan nang makumpiska ang mga ito dapat ay agad sirain subalit nire-recycle nila at ibinebenta pa ng naturang planta.
Sinabi ni Santiago na sa ikinasang entrapment operation ng NBI Special Task Force, nahuli sa aktong nagbebenta ang mga tauhan ng planta nang kumagat sa kanilang operatiba na nagpanggap na buyer ng yosi.
Aniya pa, tumambad sa kanila ang libu-libong mga pakete ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P270 milyon. Agad din nilang inaresto ang nagpakilalang environmental consultant at supervisor ng nabanggit na planta. Habang sasampahan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ibang klase rin ang alimantak o utak ng mga namamahala ng destruction plant na ito at pag-interesan ang mga smuggled na sigarilyo sa halip na sunugin, ayon na rin sa kanilang kasunduan sa gobyerno, ay ibenta pa online.
Marahil, iniisip nilang baka makalusot ang modus nilang ito at siguradong kikita pa sila rito ng malaki, tutal ipinaubaya na rin naman sa kanila ng kinauukulan ang mga peke o puslit na mga yosi.
Mabuti na lang maagap din ang mga otoridad at nadiskubre ang ilegal na gawaing ito dahil kung hindi ay siguradong mas marami ang makakabili ng mga naturang produkto at tuloy naman ang kanilang bentahan nito.
Kaya sa mga kababayan, bukod sa mga bumibili ng sigarilyo, mag-ingat sa mga ibinebenta online, dapat suriing maigi kung ito ay legit. Hindi iyong basta na lang add to cart ang gagawin dahil mura, kailangang tiyakin natin ang kalidad ng item na ating bibilhin para hindi tayo mabiktima ng fake o kaya naman ay malagay sa alanganin.
Sa kinauukulan, dapat na siguraduhing matino at maayos ang inyong nagiging katransaksyon bago magbigay ng kontrata. Hindi dapat ipinauubaya sa kanila ang ganyang kahalagang bagay o gawain. Dapat na mino-monitor pa rin ang mga ito kung nasunod ba o nagawa nila nang tama at mahusay ang pinag-usapan ninyong kontrata nang sa gayon ay walang maging problema, at higit sa lahat maging wais at huwag basta-basta magtitiwala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments