Publiko, ingat na mabiktima ng ‘rentangay’ modus
- BULGAR
- Oct 19, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 19, 2024

Tila dumarami ang mga nagiging biktima ng mga kawatan sa nauusong ‘rentangay’ modus.
Nitong Miyerkules, apat na babae at isang lalaki na nasa likod umano ng “rentangay” modus ang inaresto ng mga otoridad makaraan umano nilang itakbo ang isang SUV sa Novaliches, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Station 4, nagpakilala ang isa sa mga suspek sa may-ari ng SUV bilang ahente ng car mortgage.
Ayon kay PCapt. Melchor Tomulto ng Station Investigation and Detection Management Unit, nakipag-ugnayan ang mga suspek na interesado sila sa sasakyan ng biktima na rerentahan umano ng mga ito. Aniya, bukod sa nagpanggap na ahente ay may anim na iba pa itong kasama.
Sinabi ni Tomulto na unang pinakiusapan ng mga suspek ang biktima na ite-test lang ang makina ng sasakyan para sa partikular na distansya, subalit nang malingat ang biktima ay nailayo na ito at tuluyang natangay ang kanyang SUV. Gayunman, sa follow-up operation ng pulisya ay nahuli sa kaparehong lugar ang mga nagtangkang tumakas na mga suspek at agad na dinala sa QCPD-Station 4. Habang pinaghahanap naman ng mga otoridad ang dalawa pang kasabwat ng mga ito.
Kamakalawa lang din ay napaulat na isa umanong financier ng naturang modus ang naaresto ng pulisya sa kanyang tahanan na itinuturong isa sa mga nagpapagalaw ng ‘rentangay criminal gang’ na nasa likod umano ng higit 100 sasakyang nawawala. Ang naturang suspek ay may mga kasong carnapping at estafa, ayon sa mga otoridad.
Matindi na talaga ang mga ginagawa ng mga masasamang-loob at wala sa bokabularyo nila ang magpahinga dahil ang gusto nila ay kumita agad ng pera.
Nasa isip lamang nila ang makapanloko habang sinasamantala nila ang kahinaan ng mga nabibiktima na madaling magtiwala.
Payo natin sa kanila na itigil na sana ang ilegal na gawain. Huwag ninyong hayaan na ang inyong kakainin at ipakakain sa pamilya ay galing sa masama at hindi pinaghirapan. Pairalin pa rin sana ang konsensya at mas piliin na gumawa ng mabuti.
Paalala lang sa ating mga kababayan na bago pumasok sa transaksyon ay tiyakin muna kung sino ang nakakausap. Dapat na humingi ng valid ID ng pagkakakilanlan at kailangang mayroong kasama sa anumang negosasyon. At kung kinakailangang kabitan ng GPS ang sasakyan ay gawin na ito para sakaling tangayin man, mayroon pa ring tsansang matagpuan at maibalik ang sasakyan.
Para sa kinauukulan, kailangan sigurong mas tutukan ang paghahanap sa mga ganitong klase ng mga kawatan upang hindi na dumami pa ang kanilang mabibiktimang mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments