Publiko, inakalang ‘pag presidente na si Marcos mababayaran na mga utang ng ‘Pinas, mas lalo palang mababaon!
- BULGAR

- Aug 20, 2025
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 20, 2025

KAHIT NAG-RESIGN NA SI NADIA MONTENEGRO, DAPAT PA RIN SIYANG IMBESTIGAHAN NG PDEA – Bagama’t magkahiwalay ang power ng executive at legislative, mandato pa rin ng mga law enforcer tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA (part ito ng executive) na mag-imbestiga sa mga nasasangkot sa paggamit ng illegal drugs kahit pa ito ay naganap umano sa loob ng Senado (parte ito ng legislative).
Ang nais nating ipunto rito ay dapat imbestigahan ng PDEA ang ibinulgar ng Senate Sergeant-at-Arms hinggil sa nangangamoy marijuana umano sa loob ng comfort room ng Senado, kung saan ang staff ni Sen. Robin Padilla na si former actress Nadia Montenegro ang naroroon.
Kahit nag-resign na si Nadia bilang staff ni Sen. Padilla sa Senate ay dapat imbestigahan pa rin ito ng PDEA para malaman kung totoo o hindi na may nangyayaring ‘nagtso-tsongki’ sa loob ng Senate of the Philippines, period!
XXX
INAKALA NG MGA BUMOTO KAY PBBM NA KAPAG NAGING PRESIDENTE SIYA MABABAYARAN NA MGA UTANG NG ‘PINAS, ‘YUN PALA MAS LALONG MABABAON -- Base sa record ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) ng Kamara, para mapunan ang P6.793 trillion national budget next year (2026), ay kailangang mangutang ang Pilipinas ng P2.7 trillion, at kapag idinagdag iyan sa kasalukuyang utang ng bansa na P16.31 trillion, papalo na sa P19.1 trillion ang magiging utang ng Philippine gov't. sa mga financial institution sa mundo.
Sa totoo lang, akala ng mga bumoto sa noo’y 2022 presidential candidate Bongbong Marcos na kapag siya ang naging presidente ay mababayaran ng administration nito ang lahat ng utang ng bansa, sablay pala, dahil nang maging PBBM (Pres. Bongbong Marcos) na siya ay mas lalong nalubog sa utang ang ‘Pinas, tsk!
XXX
FAKE NEWS ANG SINABI NI SP ESCUDERO NA MGA CONG. LANG ANG MAY GUSTO SA IMPEACHMENT KAY VP SARA, BUKOD SA IBA’T IBANG SEKTOR, JOIN NA RIN ANG 2 ORGANISASYON NG MGA NEGOSYANTE SA PANAWAGANG ITULOY ANG IMPEACH TRIAL -- Dalawang asosasyon ng mga negosyante sa bansa, ang Makati Business Club (MBC) at Management Association of the Philippines (MAP), ang nanawagan sa Supreme Court (SC) na baligtarin ang nauna nitong desisyong na nagpapatigil sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio at hayaan ang Senado bilang impeachment court na magsagawa ng impeach trial laban sa bise presidente.
Patunay iyan na fake news ang sinabi ni Senate Pres. Chiz Escudero na mga kongresista lang ang may gusto ng impeachment trial kay VP Sara, dahil nga bukod sa mga sektor ng cause-oriented group, civil society, retired justices, constitutionalist, mga estudyante, mga taga-simbahan na nais matuloy ang impeachment proceedings sa bise presidente, heto at naki-join na rin ang mga kapitalista sa panawagang pagdinig sa mga kasong impeachment para malaman ng publiko kung may katotohanan o wala ang mga alegasyon kay VP Sara, boom!
XXX
MALAMANG MULA SA PERA NG BAYAN ANG MGA KAYAMANAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYA’T DAPAT IBALIK ITO SA KABAN NG BAYAN -- Kung anuman ang yaman meron ngayon ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, iyang mga kayamanan nilang ‘yan ay malamang pera ng bayan.
Sa kumakalat na post sa social media ay nakakalula ang kayamanan ng mag-asawang Discaya, na sa higit 100 luxury cars nila na nakaparada sa malawak na parking lot ng kanilang mansyon, 40 dito ang imported cars, bukod ang isa pa na sasakyang sila lang daw ang meron nito sa Pilipinas.
Malinaw na ang magarbo nilang pamumuhay ay malamang galing sa kaban ng bayan dahil bilyun-bilyong piso ang nakukuha nilang flood control project sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH), at kapag napasakamay na nila ang budget o pera ng bayan ay saka siguro ito i-scam-in sa pamamagitan ng substandard at pagtengga sa proyekto.
Dapat kasuhan na agad ng gobyerno ang mag-asawang Discaya at ipa-freeze ang lahat ng kanilang mga ari-arian, at saka ibalik sa national treasury, period!







Comments