top of page
Search
BULGAR

Publiko, huwag magpadala sa mga black propaganda

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Sep. 23, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nakakatuwang malaman na ang nangungunang political party na Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ay isinama ang inyong lingkod sa listahan ng mga opisyal na kakandidatong senador sa 2025 midterm elections.


Sa isang resolusyon na kinandili ng national convention ng partido na isinagawa sa Malacañang, ang inyong lingkod ay nominado bilang nag-iisang kandidato ng Lakas-CMD na kanilang isasabak sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.


Bilang chairperson ng partido ay tinanggap natin ang endorsement at agad nating pinasalamatan si Lakas-CMD President House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ang buong partido dahil sa muling pagtitiwala sa atin.


Hangad ko na patuloy kaming magtutulungan para sa mas maliwanag na kinabukasan ng ating bayan. Ang tiwala na muling ibinigay nila sa akin ay isang responsibilidad na buong puso kong tatanggapin at dadalhin.


Sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin, ang aming partido ay mas lalong naging buo at narating namin ang mataas na lebel ng pagkakaisa. Dahil sa kanya, ang aming pananagutan sa aming misyon bilang isang partido ay mas lalong tumibay at lumakas.


Siya ang naging dahilan kung bakit ang Lakas-CMD ang nangungunang partido sa bansa — at dahil diyan ay masasabi kong nasa mabuti akong kamay.


Alam naman ng lahat na simula ng ako ay pumasok sa pulitika — simula pa noong bise gobernador pa lamang ako ng Cavite ay nasa Lakas-CMD na ako — nasa 30 taon na akong miyembro nito.


Mula sa aking unang hakbang sa paglilingkod, ang ating partido ang nagbigay sa akin ng lakas at inspirasyon upang tumindig at magserbisyo. Hindi ko iniwan ang ating samahan, kahit sa mga panahong hindi maginhawa at puno ng pagsubok. Sa bawat laban, sa bawat pagkakataon, I remained steadfast – because I am a loyal soldier of the party, but more importantly, I am a loyal servant of the people. 


Ang Lakas-CMD ay isa sa major political parties na kaalyansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa kanyang Partido Federal ng Pilipinas, bilang paghahanda sa susunod na eleksyon.


Napakabilis ng panahon, kamakailan lamang ay kumakandidato tayo, at papalapit na naman ang eleksyon, at ngayon ay hangad natin ang ikaapat na termino sa Senado -- hindi naman tayo nagbutas lang ng upuan sa Senado.


Katunayan ay napakarami nating panukala na naging ganap na batas tulad ng ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ (RA 11997), ‘Expanded Centenarians Act’ (RA 11982), ‘No Permit, No Exam Prohibition Act’ (RA 11984), ‘Free College Entrance Examinations Act’ (RA 12006), and ‘Permanent Validity of the Certificates of Live Birthday, Death, and Marriage Act’ (RA 11909). 


Napakarami pa nating nakabinbing panukala na hanggang ngayon ay ipinaglalaban natin sa Senado at ayokong amagin na lamang ang lahat ng kapaki-pakinabang kong panukala kung hindi na ako tatakbo sa darating na eleksyon — nakapanghihinayang.

Lalo pa at puro sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), mga manggagawa at mga teacher ang kasalukuyan nating tinatrabaho na masasayang kung hindi ako magpapatuloy sa Senado.


Huwag na ring malungkot ang ating mga tagasuporta dahil hindi ko kayo basta iiwan sa ere —ako pa rin ang inyong lingkod-bayan na palaging bibisita sa inyong mga lugar sa oras ng pangangailangan lalo na sa mga sinalanta ng kalamidad, hindi ko kayo matitiis.


Napakarami rin ng umaasa sa atin dahil sa panunungkulan natin sa Senado at hindi ko ito tatalikuran dahil lamang sa ibang plano sa buhay. Inihatid ninyo ako sa Senado kaya hinding-hindi ko kayo tatalikdan.


Sama-sama pa rin nating itatawid ang paparating na eleksyon upang manatili ang ating samahan at mas marami pang batas ang ating maisulong na lahat ay para sa kapakanan ng ating mga kababayan.


Kung paano ako nananatili sa aking partido simula noon hanggang ngayon ay ganyan din ako naninindigan sa aking mga tagasuporta at mga umaasa akin -- kaya hanggang sa dulo ay hindi ko kayo ipagpapalit sa ano pa man dahil kayo ang aking prayoridad.


Ngayon, buong puso kong inaanunsiyo sa inyong lahat na kasama ako sa opisyal na listahan ng Lakas-CMD na pambato bilang senador. Pagkatapos ng filing ng candidacy sa susunod na buwan ay simula na ng kampanya kaya siyempre excited na ang lahat.

Ipagpaumanhin ninyo dahil tiyak na darami na naman ang mga mukha ng kandidato sa iba’t ibang lugar dahil sa mga poster at tarpaulin. Magiging maingay din dahil sa mga campaign jingle ng mga kandidato, pero saglit lang naman ito para makapamili kayo ng inyong iboboto.


Mag-ingat lang sa mga fake news dahil tiyak na may mga masasamang loob na magpapakalat niyan para pagkakitaan at guluhin ang isip ng mga botante!

Huwag magpadala sa mga black propaganda. Tiyak na maglalabasan ang iba’t ibang klase nito --nakakalungkot nga at nagiging kultura na natin ang ganitong klase ng pangangampanya na sobrang dumi na minsan!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page