“Proximate cause” sa mga danyos perhuwisyo na kaso
- BULGAR
- May 22, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 22, 2023
Dear Chief Acosta,
Ano ba ang ibig sabihin ng “proximate cause” na diumano ay isa sa mga rekisito kapag magkakaso ng danyos perhuwisyo? Upang maituring na “proximate cause”, nararapat ba na ang dahilan ng naturang injury o pinsala ay ang pinakamalapit sa pamantayan ng oras at panahon? – Jal
Dear Jal,
Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa isa sa mga naging desisyon ng Korte Suprema. Kaugnay nito, ayon sa kasong Abrogar v. Cosmos Bottling Company (G.R. No. 164749, 15 March 2017) na sinulat ni Ret. Hon. Chief Justice Lucas Bersamin, ang doktrina o rekisito na proximate cause ay ipinaliwanag, viz.:
“Proximate cause is "that which, in natural and continuous sequence, unbroken by any new cause, produces an event, and without which the event would not have occurred."
The question of proximate cause is said to be determined, not by the existence or non-existence of intervening events, but by their character and the natural connection between the original act or omission and the injurious consequences. When the intervening cause is set in operation by the original negligence, such negligence is still the proximate cause.”
Kaugnay sa iyong ikalawang katanungan, nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman sa nasabing kaso na ang pagiging proximate cause ay hindi nakabatay sa pagkakasunod-sunod sa oras o panahon. Bagkus, ito ay naaayon sa katangian at likas na koneksyon nito sa naging pinsala:
“To be considered the proximate cause of the injury, the negligence need not be the event closest in time to the injury; a cause is still proximate, although farther in time in relation to the injury, if the happening of it set other foreseeable events into motion resulting ultimately in the damage.”
Alinsunod sa nabanggit, ang proximate cause ay ang dahilan na – sa likas at tuluy-tuloy na pagkakasunud-sunod na hindi naputol ng anumang bagong dahilan –ay nagbubunga ng isang pangyayari, at kung wala ang kaganapan, hindi mangyayari ang naging pinsala.
Ang pagiging proximate cause ay hindi nakadepende lamang sa pagkakasunod-sunod ng panahon o oras ng mga pangyayari. Sa halip, ito ay naaayon sa katangian at likas na koneksyon ng isang pangyayari sa naging pinsala. Kaya naman, maaari pa ring maging proximate cause ang isang pangyayari kahit na hindi ito ang pinakamalapit sa oras na natamo ang pinsala, kung ito pa rin ang siyang naging pinakadahilan kung bakit gumulong ang mga susunod na pangyayari na siyang nagdulot ng pinsala.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments