top of page

Palawan, alaala ng paraiso at sugat ng pagpaslang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 minutes ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 25, 2026



Fr. Robert Reyes


Maraming taon na ang lumipas nang una nating marating ang Palawan. Naimbitahan tayong dumalo sa ordinasyon ni Padre Alex Abia, na ngayon ay BEC Coordinator ng Bikaryato ng Taytay sa ilalim ni Obispo Broderick Pabillo. Naalala pa natin ang kakaibang pakiramdam ng unang pagpasok sa isang lugar na tila ibang mundo—iba ang wika, klima, pagkain, at maging ang mga mukha at kulay ng buhok ng mga tao.


Iba-iba rin ang damdaming hatid ng kapaligiran: may mainit at masaya, mayroon ding malamig at tila walang pakialam. Ganito ang ating pakiramdam habang naglalakad sa mga lansangan ng Puerto Princesa mahigit tatlumpung taon na ang nakalilipas.


Noong 2010, bumalik tayo sa Palawan upang manirahan at maglingkod. Tumulong tayo kay Obispo Pedro Arigo at tumira sa kanyang tahanan sa likod ng Seminaryo ng San Jose sa Tinigiban. Hindi natin malilimutan ang una nating nasambit nang bumungad ang tanawin mula sa veranda ng kanyang bahay: “Paraiso!” Sa harapan ay ang tahimik at mapayapang tubig ng Puerto Princesa Bay. Sa magkabilang gilid, naroon ang malulusog na bakawan—tahanan ng mga alimango at sari-saring buhay-dagat. Kay ganda. Kay saya. Tunay na paraiso.


Dito sa bahay ng Obispo, tuwing Sabado ng umaga, nagkakape at nag-aalmusal kasama ni Obispo Pete Arigo ang ilang magigiting na tagapagtanggol ng kalikasan—mga anak ng Palawan na nagmamahal sa tinaguriang Huling Paraiso. Dito natin nakilala si Dok Gerry Ortega, asawa ni Patty at ama nina Mika, Erika, Joaquin, Sophia, at Keara. Sa lingguhang kuwentuhan at palitan ng kuro-kuro ng mga taal na Palaweño, unti-unti nating nakilala at tunay na minahal ang Palawan.


Wala pa tayong isang taon sa Huling Paraiso ng Pilipinas nang yumanig sa buong lalawigan ang isang madilim na balita: “DOK GERRY ORTEGA, BINARIL, PATAY.” Biglang nagdilim ang paligid at nagbago ang takbo ng buhay sa Palawan. Kilala si Dok Gerry sa buong lalawigan dahil sa kanyang araw-araw na programa sa radyo—siya ang tinig na gumigising, bumabati, at nagpapasigla sa umaga ng maraming Palaweño. Bigla itong napalitan ng katahimikan.


Noong Biyernes, ika-23 ng Enero 2026, muling dumating sa Maynila si Patty Ortega, kasama ang kanyang anak na si Mika. Taun-taon, sa anibersaryo ng pagpaslang kay Dok Gerry, muling sinusuri ang mabagal na takbo ng kaso. Sa tanggapan ng Thomson Reuters sa Upper McKinley, BGC, nagtipon ang mga human rights staff mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng European Union upang makipag-usap kay Dok Patty. Dalawang pari ang sumama at nagpahayag ng suporta, kabilang si Padre Celso Larracas, OFM.


Ibinahagi ni Dok Patty ang maikling salaysay ng mga nangyari sa kaso sa nakalipas na labinlimang taon: nahuli ang bumaril at ang iba pang kasapi ng grupo, pati ang tinukoy na mastermind. Tumakas ang mastermind at nadakip kalaunan sa Thailand, nakulong, nakalaya, at tumakbo pang gobernador ng Palawan. Muli itong nakulong, nagkasakit, at inilipat sa ospital sa ilalim ng “house arrest.” Hanggang ngayon, naroon pa rin siya, at patuloy ang mga pagdinig tuwing ikatlong buwan.


Nang tanungin ng isang opisyal ng EU kung umaasa pa siyang magkakaroon ng positibong resolusyon ang kaso, mahinahon ngunit malungkot na sumagot si Dok Patty: “Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa sa sistema ng katarungan ng ating bansa. Ngunit hindi ako maaaring tumigil. Kapag sumuko ako, mas marami ang mawawalan ng pag-asa.” Dagdag pa niya, mas masakit kaysa sa labinlimang taong paghihintay ang unti-unting paglimot at pagkawala ng diwa ng People Power mula 1986 hanggang sa kasalukuyan.


Sa kabila ng lahat, iginiit ni Dok Patty ang lakas ng panalangin at pananampalataya. Diyos lamang ang hindi nagbabago. Napapagod man siya, ang Diyos ay hindi. Nais man niyang sumuko, ang Diyos ay hindi umaayaw. Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page