top of page

PROTECT Committee, tututok sa banta ng digmaan sa ekonomiya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 days ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 26, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang Martes ay nagsagawa ng pagdinig ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Ad Hoc Committee, kung saan nahirang ang inyong lingkod bilang Chairman. Binuo ng Senado ang komiteng ito upang tugunan ang krisis sa Middle East sa gitna ng nagpapatuloy na alitan sa Gitnang Silangan.


Para sa inyong lingkod, hindi tayo dapat magsayang ng panahon. Malayo man sa atin ang digmaan, damang-dama natin ang pinsalang dulot nito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Noong nakaraang linggo, sinabi ng ilang transport groups na nasa P200 hanggang P300 pesos kada araw na lamang ang kanilang kinikita dahil sa taas ng presyo ng gasolina. At tuwing sumisipa ang presyo ng mga produktong petrolyo, umaaray ang ating mga kababayan sa taas ng presyo ng bilihin.


Sa pagsasagawa natin ng pagdinig, nais nating sagutin ang mga sumusunod na tanong: handa ba tayo kung sakaling tumagal pa ang digmaan? May sapat ba tayong suplay ng krudo? Ano ang plano natin kung tuluyang tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin? Paano natin titiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Gitnang Silangan? Handa ba tayong tulungan silang makahanap ng bagong trabaho sakaling umuwi sila rito?


Bilang Chairman ng komite, nais kong iparating sa ating mga kababayan na ramdam ng inyong Senado ang inyong mga daing. Kaya naman pagkatapos ng mga pagdinig, maglalabas ang komite ng ulat na magbibigay ng mga rekomendasyon sa ating Pangulo.


Upang makabuo kami ng mga rekomendasyon, inaasahan natin ang maayos at napapanahong datos, malinaw na mga timelines, at malinaw na mga hakbang mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.


Ngunit dismayado ang inyong lingkod dahil para bang hindi pa natin nararanasan ang isang krisis. Kung babalikan natin ang pagdinig, tila hindi pa tayo sigurado kung humaharap na nga ba ang bansa sa krisis. Kahit meron pa tayong supply ng gasolina at diesel sa kasalukuyan, kailangang paghandaan natin ang posibilidad na maaaring walang dumating na bagong supply ng mga produktong ito, lalo na kung magtagal ang digmaan.


Hindi lamang ang mga plano ng pamahalaan ang mahalagang malaman natin, lalo na kung kakailanganin ng karagdagang pondo. Mahalagang tiyakin din nating may ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maging epektibo ang pagtugon natin sa kasalukuyang krisis.


Bagama’t hinaharap natin ang mga hamong ito, titiyakin nating hindi lamang tayo makakatawid sa krisis. Tiyakin din nating makakabangon ang ating bayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page