top of page

Proseso sa pag-aprub at pag-deny ng late birth registration, dapat higpitan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 21, 2024
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 21, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Lumki ako sa siyudad, nag-aral sa isang pribadong paaralan mula elementarya hanggang high school. 


Tuwing bakasyon ay nasa probinsya kami ng aking kapatid kung saan madalas kaming naglalaro at kumakanta kahit sintunado kasama ang aming mga pinsan at kaibigan.


Marami akong kuwento at mga alaalang nakatanim sa aking puso tungkol sa aking kabataan. Kaya kong gunitain ang mga ito nang buong giliw at buong linaw.


Natatandaan ko ang mga taong aking nakilala at nakasalamuha noong aking kabataan. 


Sapagkat laking Maynila ako na may taglay na pagkamestisa, naranasan kong tila pagtuunan ng kakaibang pansin ng marami kong nadaanang kalalakihan sa aking paglalakad sa palengke sa aming probinsya sa aking pagbabakasyon noong panahong nagdadalaga na ako at natutong mag-ayos. 


Maraming nakakatuwa at nakakatawang mga alaala, gayundin ng ilang malulungkot, ang kaya kong isa-isang ibahagi sa inyo ng walang kagatul-gatol. 


Kaya naman nakaririmarim isipin kung papaanong walang maisalaysay na alaala ng kanyang kabataan si Bamban Mayor Alice Guo. Wala rin siyang halos masambit na mga nakasalamuha o nakilala noong siya ay bata pa. 


Maging ang titser niya sa home school na tanging sa kanya nakatutok ay hindi niya rin maalala ang pangalan at wala rin siyang kahit anong kuwentong maibulalas. Kamangha-mangha ang titser na ito, na karapat-dapat nating hanapin, sa kanyang nagawang pagpapagaling sa isang tulad ni Guo, na bihasang mag-Ingles, mag-Tagalog at mag-

Mandarin, bukod pa sa magaling sa negosyo simula noong siya ay bata pa. 


Sino ba namang hindi sasakluban ng panginginig at pangamba sa gitna ng posibilidad na ang isang tubong China ay maging mayor ng isang bayan ng Pilipinas? Ang kakila-kilabot na sitwasyong ito ang pumukaw sa matinding interes ng taumbayan, mula kabataan hanggang katandaan, para tumutok sa mga talakayan ukol kay Guo.  


Ang panimula ng pagdedeklara ng pagka-Pilipino ay ang katibayan ng kapanganakan o ang birth certificate na diumano’y taglay ni Guo.


Panahon na para agarang ipasa ang amyenda sa napakalumang batas na siyang basehan sa pagrerehistro ng mga kapanganakan, ang Act No. 3753 na nagkabisa noong 1931. Sa ilalim nito, ang parusa sa anumang maling deklarasyon sa aplikasyon para sa pagpaparehistro ng kapanganakan at iba pa ay isa hanggang anim na buwang pagkakakulong at multa na P200 lamang. Kapag hindi naman nai-report ang kapanganakan ng mga dapat mag-report nito ay mula P10 hanggang P200 rin lamang ang multa. Wala ring malinaw na probisyon ang batas para sa rehistro ng kapanganakan sa pamamagitan ng hilot o kamag-anak lamang ng nanganak.


Samantalang ang late birth registration ay ginagabayan ng administrative issuances ng Philippine Statistics Authority at ang proseso sa pag-apruba o pag-deny ng late registration ay hindi mahigpit. 


Asintaduhin ng Kongreso ang pagpasa sa kinakailangang batas para walang mga mapagpanggap ang makapagtahi-tahi ng kuwento upang sila ay kilalaning Pilipino ngunit ang puso naman ay hindi maka-Pilipino at ang lahi ay banyagang gustong mapagsamantalahan ang Pilipinas!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Jun 21, 2024

Napakaganda mo pa rin hanggang ngayon kaya inilalarawan ko na lang sa isipan ko kung gaano ka kaganda noong kabataan mo. Hindi, kung ganoon, nakakapagtaka na binibigyan ka ng kakaibang pansin ng mga lalakeng nakakita sa iyo sa paglalakad mo sa palengke ng inyong probinsiya. Tungkol naman sa late registration of birth certificates, bakit nangyayari ito samantalang sa ilalim ng Batas 3753, katungkulan ng doktor, nurse o comadrona na nagpaanak na irehistro ang birth certificate sa local civil registrar 30 araw matapos manganak ang isang ina. Sa mga lugal namang hilot lamang ang nagpapaanak, dapat ang magulang ang magparehistro ng kapanganak ng kaniyang anak. Habang hindi pa naamendiyahan ang Act 3753, dapat utusan ng DILG ang lahat ng barangay kapitan/chairm…

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page