Project ni VP Leni, 'di inaprub… ALEX, TINAWAG NA UTAK-TALANGKA ANG DEPED SECRETARY

ni Beth Gelena - @Bulgary Files | November 29, 2020

Sinabihan ng aktor na si Alex Medina ng ‘utak talangka’ si DepEd Secretary Leonor Briones.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sec. Briones nu’ng November 24 na ‘di niya inaprubahan ang community learning hub ng Office of the Vice-President (OVP) at binanggit pa niyang direktang nakikipag-ugnay sa mga yunit ng lokal na pamahalaan si VP Leni Robredo.
Ang pahayag ng kalihim ay nag-ugat nang sabihan siya ni Presidential Spokesperson Harry Roque na linawin ang inanunsiyo ni VP Leni kamakailan na mayroon silang proyekto sa pakikipagtulungan ng DepEd.
Ang layon ng proyekto ay magsasagawa ng mga ‘face-to-face’ classes nang hindi bababa sa 6 students through the OVP’s learning hubs.
Ayon kay Sec. Briones, hindi niya inaprubahan ang proyektong isinusulong mula sa opisina ng VP. May lumabas kasing isang pahayag kung saan sinabi ng DepEd secretary na tinatanggap nila ang ideya ni Robredo na nagsasabing ‘ito ay isang mabuting pagkukusa.’
Dahil dito, nag-react si Alex sa kanyang social media account. Tinawag niyang ‘utak talangka' ang kalihim ng DepEd.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga nasa industriya na laging dinedepensahan ng actor si VP Leni kapag may bumabatikos na nagmumula sa mga opisyales ng Duterte administration.
Tweet pa ni Alex, “And on top of that, kadiri na bastos pa ng comment ke bise. Akala mo hindi presidente, parang tambay lang na sumisitsit sa mga dumadaang babae. Kadiri.”
Ang statement na ito ni Alex ay bilang reaksiyon noong ipinahiya ni Pangulong Rodrigo Duterte si VP Leni sa national TV hinggil sa mga aksiyon na ginawa ni Robredo sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Matapang pang sabi ng mahusay na aktor, “Laban tayo! Laban sa kamalian! Biruin mo, tumulong ka na nga, nakuha pang bastusin ka at pag-usapan sex life mo as an address to the nation?? Habang sirang-sira na buhay ng karamihan, may covid na, binagyo pa. Bangon 'Pinas!!!”





Comments