top of page

Problema sa San Juanico Bridge, ‘wag sanang band-aid solution

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 26, 2025



Boses by Ryan Sison

Habang patuloy ang rehabilitasyon ng San Juanico Bridge — ang pinakamahabang tulay sa bansa na nagdurugtong sa Samar at Leyte — marami ang napapatanong kung kaya pa ba nito na maserbisyuhan ang publiko, ligtas pa kaya itong tawiran o panahon na para tuluyang alisin o kaya naman palitan? 


Sa gitna ng limitasyong ipinataw na three-ton weight limit sa lahat ng sasakyang daraan, inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsimula na silang magpatupad ng mga alternatibong solusyon upang maiwasan ang perhuwisyong dulot ng pagsasaayos nito. 


Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, libreng shuttle services ang inilaan ng pamahalaan at ilang pribadong sektor bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na layuning tiyakin ang kaligtasan at mobilidad ng mga mamamayan habang inaayos ang tulay. 


Kasabay nito, inamin ni Bonoan na may ilang bahagi ng tulay na itinuturing nang delikado, kaya’t isinasagawa ang immediate retrofitting sa mga segment na may pagkasira. Inaasahang matapos ang ilang bahagi sa mga susunod na buwan, at posibleng itaas muli ang load limit. 


Gayunpaman, upang lalong mabawasan ang epekto ng paghihigpit sa trapiko, nakikipag-ugnayan na ang DPWH sa Philippine Ports Authority (PPA), Philippine National Police (PNP), at mga lokal na pamahalaan. Isa sa mga mungkahi ay ang pagre-reroute ng mga kargamento mula Port of Matnog (Sorsogon) patungong Carigara Port (Leyte) upang hindi na madagdagan ang dadaloy na bigat sa tulay. 


Subalit mas malawak na solusyon ang nakikita ng DPWH — ang pagtatayo ng bagong tulay na katabi ng kasalukuyang San Juanico Bridge. 


Sinabi ni Bonoan na mas mahaba ito kaysa sa orihinal, at popondohan sa tulong ng official development assistance mula sa gobyerno ng Japan. Sa kasalukuyan, nasa yugto pa lang ito ng detailed engineering design, na inaasahang matatapos sa 2026. 


Marahil sa bansang madalas maipit sa pagitan ng lumang sistema at bagong pangako, kailangan nating matiyak na hindi band-aid solution ang tugon sa mga seryosong problema sa imprastraktura. Kung tulay ang daan sa kaunlaran, siguraduhin nating hindi ito tulay papuntang peligro. 


Hindi maiiwasan ang abala kapag may inaayos, lalo na sa imprastrakturang kasing kritikal ng San Juanico Bridge. Subalit mas mahalaga pa rin ang kaligtasan kaysa sa pansamantalang abala. 


Ang iconic na 2.16-kilometer na tulay na ito, na itinayo mula 1969 hanggang 1973, ay nagsisilbing isang mahalagang arterya sa pagitan ng Leyte at Samar, at lumala nang husto dahil na rin siguro sa mga taon ng pagpapabaya at hindi sapat na maintenance nito.


Sa ganang akin, ang libreng shuttle at rerouting ay mga agarang solusyon, pero napapanahon na rin siguro ang pagpapatayo ng panibagong tulay para sa mas matibay, at mas ligtas na pamumuhay ng mga kababayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page