Prima facie presumption ng intensyong manloko
- BULGAR

- Aug 14
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 14, 2025

Dear Chief Acosta,
Sabi ng kaibigan ko na may malaking halaga siya na pagkakautang sa isang credit card company dahil sa paggamit niya ng kanyang credit card. Ang kanyang utang daw ay halos lumobo na sa P300,000.00 at ito ay past due na nang mahigit isang daang araw. Dahil hindi na niya ito kayang bayaran, ninanais na niyang lumipat ng tirahan. Masasabi ba na ang kaibigan ko ay maaaring may intensyon na takbuhan o lokohin ang kanyang credit card company? Salamat sa iyong paggabay sa amin. -- Elizabeth
Dear Elizabeth,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 5 of Republic Act (R.A.) No. 11449, “An Act Providing for Additional Prohibitions to and Increasing Penalties for Violations of Republic Act No. 8484, otherwise known as the “Access Devices Regulation Act of 1998”, kung saan nakasaad na:
Section 5. The last sentence of Section 14 of the same Act is hereby amended to read as follows:
“Sec. 14. x x x “A cardholder who abandons or surreptitiously leaves the place of employment, business or residence stated in his application for credit card, without informing the credit card company of the place where he could actually be found, if at the time of such abandonment or surreptitious leaving, the outstanding and unpaid balance is past due for at least ninety (90) days and is more than Two hundred thousand pesos (P200,000.00), shall be prima facie presumed to have used his credit card with intent to defraud.”
Magmula sa hindi apektadong probisyon ng batas, ang Seksyon 14 ng Republic Act (R.A.) No. 8484 o mas kilala sa tawag na “Access Devices Regulation Act of 1998,” ang mga sumusunod ang mga akto na makapagsasabi na may presumption at prima facie evidence na may intensyong manloko o to defraud:
“Section 14. Presumption and prima facie evidence of intent to defraud. – The mere possession, control or custody of:
(a) an access device, without permission of the owner or without any lawful authority;
(b) a counterfeit access device;
(c) access device fraudulently applied for;
(d) any device-making or altering equipment by any person whose business or employment does not lawfully deal with the manufacture, issuance, or distribution of access device;
(e) an access device or medium on which an access device is written, not in the ordinary course of the possessor’s trade or business; or
(f) a genuine access device, not in the name of the possessor, or not in the ordinary course of the possessor’s trade or business, shall be prima facie evidence that such device or equipment is intended to be used to defraud.”
At upang masagot ang iyong katanungan, at akma sa naging pag-amyenda sa huling paragraph ng nabanggit na Seksyon 14 ng R. A. No. 8484, nakasaad sa Seksyon 5 ng kasalukuyang R.A. No. 11449, ang magiging aksyon ng inyong kaibigan ay maaaring masabi na siya ay may intensyon na manloko o lokohin ang kanyang credit card company. Ito ay malinaw sa nabanggit na Seksyon 5 ng R. A. No. 11449 na kung ang isang cardholder ay aalis o palihim na umalis sa lugar ng kanyang tinitirahan na nakasaad sa aplikasyon niya para sa credit card nang hindi ipinaalam sa credit card company ang lugar kung saan siya talaga matatagpuan, kung sa oras ng naturang pag-abandona o palihim na pag-alis, ang hindi pa nababayarang balanse ay higit sa P200,000.00 at lampas na sa takdang panahon ng hindi bababa sa 90 na araw, prima facie presumed na ginamit ang kanyang credit card na may layuning manlinlang. Kung kaya, upang hindi magkaroon ng prima facie presumption ng pagkakaroon ng intensyon na manloko, nararapat na ipaalam ng inyong kaibigan sa kanyang credit company ang kanyang layunin na lumipat ng tirahan at banggitin ang saktong lokasyon kung saan siya matatagpuan.
Ang nasabing panuntunan ay base rin sa polisiya ng gobyerno na siguraduhin din na protektahan ang mga karapatan at tukuyin ang mga pananagutan ng mga partido sa isang commercial transactions sa pamamagitan ng pagsasaayos sa pagpapalabas at paggamit ng mga access device. Dahil din dito, kinikilala ng gobyerno na ang mga akto ng panloloko gamit ang teknolohiya ay sumisira sa tiwala ng publiko sa industriya ng pagbabangko o ekonomiya ng bansa. Kung kaya, dahil sa masamang epektong ito sa ekonomiya, ipinapahayag ng gobyerno na ang paggawa ng krimen gamit ang mga kagamitang access devices ay isang anyo ng pang-ekonomiyang sabotahe at isa sa pinakamataas na antas na krimen.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments