Sen. Chiz, inabsuwelto ng Comelec, tiyak na dadami ang pulitikong tatanggap ng donasyon sa kontraktor
- BULGAR

- 15 minutes ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 28, 2025

DAPAT IAPRUB NI SPEAKER DY ANG HIRIT NA IMBESTIGASYON NG MAKABAYAN BLOC PARA HINDI ISIPIN NG TAUMBAYAN NA PINUPROTEKTAHAN NG KAMARA SINA PBBM, ROMUALDEZ AT SANDRO -- Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc congressmen sa pangunguna ni ACT Teacher partylist Rep. Antonio Tinio na imbestigahan sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM), Leyte Rep. Martin Romualdez at presidential son, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos kaugnay sa sunud-sunod na video ng pasabog ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na sangkot umano ang mga ito (PBBM, Romualdez at Sandro) sa Bicam insertions at kickback sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-flood control projects.
Dapat aprubahan ni Speaker Bojie Dy ang hirit ng mga Makabayan bloc congressmen na imbestigahan ang tungkol sa isyung ito para hindi isipin ng taumbayan na binibigyan ng proteksyon ng Kamara sina PBBM, Romualdez at Sandro na idinadawit ni Zaldy Co sa flood control scandal, period!
XXX
DAPAT GUMAWA NG BATAS NA ANG MGA KONTRAKTOR BAWAL PUMASOK SA PULITIKA AT ‘DI RIN DAPAT MAGKAROON NG POSISYON SA PAMAHALAAN -- Ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes ay inirekomenda na raw nila sa Ombudsman na sampahan ng kasong plunder, bribery at administratibo ang walong ‘congtractor’ (mga kongresistang kontraktor) na sangkot sa flood control scandal na kinabibilangan nina former Cong. Zaldy Co, CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola, Uswag Ilonggo Partylist Rep. James Ang, Pusong Pinoy Partylist Rep. Jernie Nisay, Bulacan 2nd Dist. Rep. Agustina Pancho, Cagayan 3rd Dist. Rep. Joseph Lara, Surigao Del Norte 1st Dist. Rep. Francisco Matugas at Tarlac 3rd Dist. Rep. Noel Rivera.
Mantakin n’yo, nagsipagkandidato ang mga ito para maging mga kongresista na ang hangad lang pala mang-scam sa kaban ng bayan at hindi para maglingkod sa mamamayan at bayan.
Panahon na talaga na gumawa ng batas ang Senado at Kamara na nagbabawal sa mga kontraktor na pumasok sa pulitika at pagbawalan din silang magkaroon ng anumang posisyon sa pamahalaan, boom!
XXX
SA PAG-ABSUWELTO NG COMELEC KAY SEN. CHIZ, ASAHAN NANG MARAMING PULITIKO ANG TATANGGAP NG CAMPAIGN FUNDS SA MGA KONTRAKTOR -- Inabsuwelto ng Comelec si Sen. Chiz Escudero sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay sa pagtanggap niya ng P30 million campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.
Malinaw naman sa nakasaad sa batas na ang kandidato ay bawal tumanggap ng campaign fund sa kontraktor, at gayundin sa kontraktor na pinagbabawalan na magbigay ng donasyon sa mga kandidato, pero dahil inabsuwelto ng Comelec si Sen. Escudero, asahan nang sa mga susunod na halalan ay maraming pulitiko ang tatanggap na ng campaign funds sa mga kontraktor, buset!
XXX
PNP-REGION 1 DIRECTOR GEN. DINDO REYES MAY ‘WAR ON ILLEGAL GAMBLING,’ PERO SA MGA BAYAN NG BACNOTAN AT BANGAR SA LA UNION, MAY RAKET NA DROP BALLS AT COLOR GAMES -- Sa kabila ng pagdedeklara ni PNP-Region 1 Director, Brig. Gen. Dindo Reyes ng "war on illegal gambling," ay hindi pa rin itinitigil nina alyas "Bong" at "Mylene" ang raket nilang drop balls at color games sa mga munisipalidad ng Bacnotan at Bangar sa La Union.
Dapat ipa-raid nina P/Maj. Ariel Saltin ng Bacnotan Police Station at P/Maj. Ronald Lupisan ng Bangar Police Station ang mga raket nina "Bong" at "Mylene" sa kanilang jurisdiction, kasi kapag nalaman ni Gen. Reyes na wala silang aksyon dito, malamang sibak sa puwesto ang abutin nila, boom!








Comments