PRAMIS NI DENNIS: NEVER KONG LOLOKOHIN SI JENNYLYN
- BULGAR
- Sep 17, 2023
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary Files | September 17, 2023

In-assure ni Dennis Trillo sa kanyang misis na si Jennylyn Mercado na hindi raw siya magiging cheater.
Kuwento ng aktor, minsan daw ay hindi maiwasang magkasagutan sila ni Jen.
“Hindi mo maiiwasan na hindi magtalo, eh. Pero ang importante sa amin, ang maganda sa aming dalawa, kapag meron kaming pinagtalunan, hindi puwedeng hindi pag-uusapan.
Hindi puwedeng palampasin ‘yun dahil once na ginawa mo ‘yun, maiiwan at maiiwan ‘yung problema. Mahirap na kapag sumabog ka.”
Malaki ang pagpapahalaga ng actor sa kanyang personal na buhay. Kaya naman, nang mag-guest siya sa programang Fast Talk with Boy Abunda ay natanong siya ng King of Talk.
Lahad ni Dennis sa panayam ni Kuya Boy, “First time na naging kami sa pangalawang soap sa GMA.”
Ang tinutukoy ng Kapuso actor ay ang afternoon drama series nila na Gumapang Ka sa Lusak nu'ng 2010.
“Siguro, tumagal lang ‘yun ng isang taon. Nagkahiwalay din po kami. And after ilang years, nag-reach out kami sa isa’t isa. Tamang-tama naman, pareho kaming walang partners. Single kami pareho.
“Siguro, na-miss namin ‘yung isa’t isa katulad ng kuwento ng Love Before Sunrise. Ito ‘yung second chances na sinasabi ko.
“Nangyayari talaga ‘yun sa totoong buhay, and kapag nangyari ‘yun, parang mas maganda.
Pareho na kaming matured, pareho nang established at handa."
Ikinasal sina Dennis at Jennylyn noong November 15, 2021. Ngayon nga ay nabiyayaan na rin sila ng isang anak. Si Jen ay may anak na kay Patrick Garcia, gayundin si Dennis kay Carlene Aguilar.
Tinanong ni Kuya Boy kung ano ang ugat ng paghihiwalay nila noon ni Jen. Sinagot ni Dennis ang tanong, “Siguro, mas bata pa kami pareho. Immature ‘yung mga pag-iisip.
"‘Yung mga sitwasyon namin noon ay hindi rin gaano ka-clear pa ‘yung mga gusto naming mangyari kaya po ganoon, pareho kaming naghiwalay sandali.
"Ang ending, nagkabalikan kami."
Paano ba nila nalamang they’re meant for each other kaya nagpakasal na sila?
Ayon kay Dennis, “Early on pa lang, before pa nangyari ‘yung mga proposal, noon pa lang, tawagan na namin sa isa’t isa, asawa.
"So, alam na namin na doon na talaga papunta. Kailangan lang maghanap ng perfect timing para mangyari na lahat."
Makaaasa raw ang kanyang misis na magiging tapat siyang mister dahil hindi raw niya hahayaang masira ang tiwala sa kanya ng mga tao, kaya lumalayo siya sa mga tukso.
“Ako po kasi, maingat ako sa tiwala ng tao. Ayokong isipin na may mangyayaring ganoon sa relasyon naming dalawa, kaya kailangan ko rin siguraduhin na palaging masaya ‘yung asawa ko.
“Kahit na may mga anak na kami, gusto kong maging maligaya pa rin siya. Siyempre, mga tao rin tayo, pero ang importante, as long as may respeto ka sa partner mo, hindi mo hahayaan na maging masama ang pangalan mo.
“Mahirap magkalamat ‘yung tiwala lalo na matagal mo siyang pinag-ingatan. Iniisip ko pa lang ‘yun, hindi ko na iniisip na magloko. Ako na mismo ‘yung lumalayo.”





Comments