Posisyon sa gobyerno, hindi maaaring gamitin para sa pansariling interes
- BULGAR
- Jul 12, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 12, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroong abogado sa aming bayan na nagtatrabaho sa ahensiya ng ating gobyerno. May ilang pagkakataon nang ginamit niya ang kanyang posisyon para sa kanyang sariling interes. Hindi ko alam ang partikular na panuntunan ng kanilang ahensiya sa mga ganu’ng sitwasyon. Ako ay pupunta sa kanilang ahensiya upang magtanong at alamin ang kanilang mga panuntunan sa oras na mayroong makakasama sa akin na lumuwas sapagkat mahirap bumiyahe sa panahong ito na mayroon pang problema sa kasalukuyang pandemya. Gayunman, mayroon kayang pangkalahatang batas o alituntunin ng mga abogado na marahil ay nilabag niya? – Raye
Dear Raye,
Ang isa sa mga prinsipyo na kailangang patuloy na inaalala at ipinatutupad ng bawat kawani ng ating gobyerno ay ang “Public service is a public trust”. Ibig sabihin, kinakailangang bigyang-prayoridad ng isang kawani ang katapatan sa Konstitusyon, sa mga batas at panuntunan ng kanilang tanggapan higit sa kanyang personal na interes o kapakanan. Maliban dito, hindi rin dapat gamitin ng kawani ng gobyerno ang kanyang posisyon para sa kanyang pansariling kapakinabangan.
Bagaman ang bawat tanggapan at sangay ng ating pamahalaan ay mayroong sari-sariling panuntunan na ipinatutupad, ang mga abogado sa pangkalahatan ay mayroong sinusunod na alituntunin na nakasaad sa ilalim ng Code of Professional Responsibility. Para sa kaalaman ng lahat, malinaw na nakasaad sa Canon 6 ng Code of Professional Responsibility ang sumusunod:
“CANON 6 –These Canons shall apply to lawyers in government services in the discharge of their tasks.
x x x
Rule 6.02 – A lawyer in the government service shall not use his public position to promote or advance his private interests, nor allow the latter to interfere with his public duties.
Rule 6.02 – A lawyer shall not, after leaving government service, accept engagement or employment in connection with any matter in which he had intervened while in said service.”
Kung lubos na mapatunayang ginamit ng naturang abogado ang kanyang posisyon sa ahensiya ng gobyerno para sa kanyang sariling interes ay maaaring masabi na nilabag niya ang mga nabanggit na probisyon ng Code of Professional Responsibility. Kaugnay nito, maaari siyang mapatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagbabayad ng fine, suspension sa practice of law o kaya naman ay disbarment.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments