Pork barrel system, ipinayakap lang ng US gov’t sa ‘Pinas
- BULGAR

- Sep 16, 2025
- 3 min read
ni Ka Ambo @Bistado | September 16, 2025

Inuulit natin, maaaring ituring ang pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o budget, bagkus ito ay isang aktuwal na modus operandi.
Ito ay isang modus operandi na may iba’t ibang klase ng maniobra o diskarte — across all department of government.
-----$$$--
SA totoo lang, ang pork barrel, ay isa lamang sa mga dambuhalang “aswang” na ginagamit ng mga mandarambong.
May kakambal ito o asawa sa pangungurakot sa pondo ng bayan na mas ispesipiko at talamak na pinagpipiyestahan ng mga ‘buwaya’ -- at ‘kinukunsinte’ ng Konstitusyon at maging mga opisina ng gobyerno na naatasan magbantay sa pondo ng bayan.
----$$$--
ANG ka-asawa o tandem ng pork barrel ay ang mismong “Procurement and Disbursement Process” na dapat ay mahigpit na ipinatutupad -- across all levels of bureaucracy.
Ibig sabihin, sa pork barrel, sa-ayaw-o-sa-gusto-mo, direktang kasabwat dito kung hindi man mastermind ang ilang mambabatas — senador man o kongresista o kahit ang mga miyembro ng Sanggunian -- board members sa lalawigan, councilor sa siyudad at munisipalidad; at maging ang kagawad ng barangay -- hanggang SK.
----$$$--
MALUNGKOT sabihin — mulat ang lahat — opisyal man ng gobyerno o pribadong sektor kasama ang akademya — at hudikatura, matagal nang umiiral ang “pork barrel” system.
Ito ay mula nang ipayakap ng US government ang demokratikong proseso sa Republika ng Pilipinas sa bungad ng dekada 1940s.
----$$$---
ANG terminong pork barrel ay hango mismo sa kulturang Kano — at mauugat mismo ang terminong “barrel” sa American Indian.
Ang pag-iimbak ng beer o fermented agricultural products — ay karaniwang iniimbak sa barrel — sa mga sinaunang tao sa American continent.
--$$$--
POPULAR sa atin na iniimbak ang beer upang maging antigo at mapasarap sa barrel — kaya’t nakilala ang “barrel of beer”.
Pero, alam ba ninyong ang karne o mismo ang mga “taba” ng mga wild boar o baboy ay iniimbak din sa barrel upang magamit ito sa mahabang panahon — sa lahat ng pangangailangan sa sinaunang panahon — nang hindi pa naiimbento ang freezer at refrigerator.
----$$$--
ANG pag-iimbak ng karne at taba ng baboy sa bariles na yari sa “antigong kahoy” — ay ang aktuwal na “pork barrel” na terminong ibinansag ng mga US lawmakers sa mga pondo na may “diskresyon” ang mga mambabatas.
Ang Konstitusyon ng Pilipinas ay cloned-version ng US constitution — na hinahati sa tatlo ang sangay ng pamahalaan -- executive, judiciary at legislative.
----$$$--
SA US, ang executive function ay nakatoka sa implementasyon ng proyekto — partikular ang “final decision” -- pagpapatibay at iba pang proseso.
Ang judiciary ay nakatoka sa interpretasyon ng batas, at ang legislative ay nakatoka lamang sa paggawa ng batas.
----$$$--
PERO, dahil sa pagnanasa ng mga lawmaker ng US na makaamot o magkaroon ng konting “executive function” — sa pagtukoy o pagpili ng proyekto o programa — inimbento ang “pork barrel” system.
-----$$$--
SA Pilipinas, inabuso ang paggamit ng pork barrel — kung saan binibigyan ng luwag ang legislature na makaamot o magkaroon ng “kapangyarihan o power” na tumukoy ng proyekto — at malala — tumukoy ng kontraktor o halos “super 100 percent” na discretion — sa isang iskemang sikreto o lihim sa publiko.
----$$$--
DAHIL isang iskema o modus ang pork barrel — hindi lang ang administrasyon ni PBBM ang masasabit kundi maging ang panahon dapat mula kay Manuel Roxas Sr., Sergio Osmena Sr. at Jose Laurel — kung kailan, posibleng ipinatupad ang pork barrel.
Pero, hindi lang pork barrel ang ginagamit sa pandarambong, bagkus maging ang talamak na paglabag sa batas ng “Procurement at Disbursement Act’ — gamit ang iskemang inimbentong “bidding-bidding” o nilutong SUBASTA.
----$$$--
ANG dapat imbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure ay hindi lang ang ‘infrastructure’ at flood control, bagkus maging ang lahat ng “subasta” at implementasyon ng lahat ng proyekto na nakaugat ang “lahat sa huwad na procurement at disbursement process”.
Hindi lang, sa huling 10 taon ang imbestigasyon — dapat ay masuri o masaliksik — ang lahat na nagdaang transaksyon — upang magamit ang mga datos na maiipon — sa PAGGAWA NG MGA BATAS na susugpo sa talamak na korupsiyon sa burukrasya — siyempre, kasama ang hanay ng pulisya at military.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments