Poong Hesus Nazareno, ituro ninyong mahalin ang Katotohanan, Katarungan at Inang Bayan
- BULGAR

- 16 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 10, 2026

Tiyak na tapos na ang pagdiriwang ng Pista ng Nazareno sa Quiapo sa pagsulat ng artikulong ito. Tunay na tumutugma ang mga titik ng kantang “Pasko Na Naman—kay tulin ng mga araw.”
Ang Paskong nagdaan ay tila kailan lang, gayundin ang apat na buwang paghahanda at pagdiriwang mula Setyembre hanggang Disyembre, pati ang siyam na madaling-araw at gabi ng Misa de Gallo at Simbang Gabi. Dumaan na rin ang huling araw ng nagdaang taon at sinalubong natin ang Bagong Taong 2026. Katatapos lang din ng pinakahihintay na Traslacion ng mga deboto ng Itim na Nazareno ng Quiapo.
Noong mga nakaraang araw, naibahagi sa mga homiliya ang seryoso at malalim na kakulangan ng marami sa tatlong anyo ng pag-ibig: pag-ibig sa Katotohanan, sa Katarungan, at sa Inang Bayan.
Kitang-kita ang kahinaan ng marami sa pag-ibig sa katotohanan. Hindi na ito ang pangunahing pinahahalagahan; mas mahalaga ang mailabas ang sariling opinyon, damdamin, o anumang nais ipahayag. Kaya napakahalaga ng paalala sa mga gumagamit ng social media: “Think before you post.” Napakaraming alitan, away, at maging kaso ang nag-uugat sa mga nabasa at nakita online. Malinaw na sa maraming pagkakataon, ang social media ay naging sandata—at minsan, isang mapanganib na sandata.
Sa gitna ng bangayan, pasaringan, at hamunan, kakaunti ang gumagamit ng social media sa masusing paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan. May mga vlogger at social media pages na naninindigan sa katotohanan at pananagutan, ngunit mas nahihilig ang nakararami sa mga site na kontrobersyal, puno ng galit at maging malaswang nilalaman.
Mahigit tatlong linggo nang nilalait ang ating kapatid na pari na si Padre Flavie Villanueva, SVD. Gayunman, malinaw, matapang, at hindi siya umuurong sa pagsagot. Sulong, Padre Flavie—ipagpatuloy ang pagtatanggol sa katotohanan. Nawa’y maging ganito rin ang marami sa atin.
Mahina rin ang pag-ibig sa katarungan. Matapos ang ilang buwang mainit na sigawan laban sa korapsyon, tila humuhupa na ang galit at panawagan. Ito na ba ang tinutukoy ni Kuya Kim na “weather-weather lang”?
Kasama ko si Padre Flavie sa paghahain ng kasong plunder laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Hindi natin inaasahan ang agarang pag-usad ng kaso sa Office of the Ombudsman, ngunit hindi rin ito dapat patagalin. Babalik kaya ang mga kilos-protesta ng kabataan, ng iba’t ibang kilusan—mula kanan, gitna, hanggang kaliwa—pati ng mga simbahan at sektor ng lipunan?
Mahina man, unti-unti namang lumalakas ang pag-ibig sa Inang Bayan. Sa nagdaang administrasyon, maaga ang pagsuko sa harap ng panghihimasok ng Tsina—hindi lamang pagsuko kundi paglarawan pa sa mananakop bilang “kaibigan.” Gayunman, dahil sa mga grupo, indibidwal, at sa kilusang “Atin ’To,” unti-unting nagbabago ang kalagayang ito. Dumarami ang muling nagmamahal at naninindigan para sa bayan.
Malaki ang aral na hatid ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno. Kitang-kita ang wagas, malalim, at ganap na debosyon ng mga deboto. Ito ang ating ibinahagi sa misa noong Biyernes ng umaga: sa anumang gawain, kailangan ang lakas ng pag-ibig. Kung walang pag-ibig, hindi lilitaw ang tunay na galing at husay.
Dahil sa pag-ibig, ginagawa natin ang lahat nang buo, tapat, at may pananagutan. Ito ang diwa ng debosyon—pag-ibig na ipinahahayag sa diwa, damdamin, salita, at gawa, hindi minsanan kundi pangmatagalan.
Ito ang itinuturo sa atin ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno. Taun-taon man itong nakikita sa pista, tiyak na araw-araw at sa bawat sandali ay isinasabuhay ng marami ang debosyong ito.
Poong Hesus Nazareno, ituro po Ninyo sa amin ang matatag, malalim, at panghabambuhay na pag-ibig, debosyon, at pananagutan sa Katotohanan, Katarungan, at sa Inang Bayan. Amen.








Comments