Pondo sa edukasyon, hiling na mabigyang-linaw sa SONA
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 23, 2026

Sa susunod na Lunes, makikinig ang buong bansa sa State of the Nation Address (SONA) ng ating Pangulo. Mahalaga ang okasyong ito dahil ito ang pagkakataon nating makita at mapakinggan kung ano nga ba ang lagay ng ating bansa, at saan tayo patungo.
May ilan tayong mga hiling na mapakinggan sa talumpati ng Pangulo. Isa na rito ang estado ng paggamit sa makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon.
Mahalagang talakayin natin ito, hindi lamang dahil ang pondo para sa sektor ng edukasyon ang pinakamataas sa kasaysayan ng ating bansa, kundi dahil mahalagang magamit natin ito sa pagsugpo ng krisis sa edukasyon.
Noong nanungkulan ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, naglaan tayo ng P1.35 trilyon para sa sektor ng edukasyon ngayong taon, katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP).
Sa kauna-unahang pagkakataon, nasunod natin ang rekomendasyon ng United Nations na ilaan ang katumbas ng apat hanggang anim na porsyento ng GDP para sa sektor ng edukasyon.
Bahagi ng naturang pondo ang makasaysayang P67.9 bilyong pondo para sa pagpapatayo ng hanggang 22,000 na mga silid-aralan. Kung ating babalikan ang datos noong Hulyo 2025, lumalabas na umabot na sa 147,000 ang kulang na mga silid-aralan sa ating bansa.
Upang lalo pang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, nakasaad din sa isang special provision sa 2026 national budget na pinahihintulutan natin ang Department of Education na pumasok sa kasunduan sa mga local government units (LGUs) at sa pribadong sektor.
Binigyang-diin natin na kung sabay-sabay magpapatayo ang mga LGUs at mga pribadong organisasyon, mas marami pa tayong maipapatayong mga silid-aralan. Bahagi rin ng pondo ng edukasyon para sa taong ito ang P9 bilyong inilaan para sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Sa ilalim ng naturang programa, magkakaroon ng mga tutorial sessions upang suportahan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin. Inaasahang magagamit natin ang pondo ng ARAL Program para sa pag-hire ng 440,000 na mga tutors na susuporta sa humigit-kumulang 6.7 milyong mga mag-aaral.
Mahalaga ang pagpapatupad ng ARAL Program dahil layunin nitong iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral nating napag-iiwanan. Kung ating babalikan ang naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment, lumalabas na 16% lamang ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang may minimum proficiency sa mathematics, 23% naman sa science, at 24% sa reading.
Sa madaling salita, malaking porsyento ng ating mga mag-aaral ang hindi lubos na natututo. Ilang lamang ito sa mga programang pang-edukasyon na pinaglaanan natin ng malalaking pondo para sa taong ito.
Bagama’t mahalagang hakbang ang paglalaan ng pondo, mahalagang tiyakin nating magagamit ito nang wasto upang matulungan ang ating mga guro at mga mag-aaral. Sa darating na Lunes, sabay-sabay nating abangan at pakinggan kung ano na ang narating natin gamit ang makasaysayang pondong inilaan natin upang sugpuin ang krisis sa edukasyon ng ating bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments