top of page

Pondo para sa sektor ng edukasyon, dapat maramdaman ng mga guro at estudyante

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 26, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung tutuusin, ang dagdag na pondo para sa edukasyon ay hindi lang tinitingnan bilang biyaya mula sa gobyerno kundi isang obligasyon na matagal nang dapat naibigay. 

Taun-taon, paulit-ulit na ipinapako ang mga guro, magulang, at mag-aaral sa pangakong uunahin ang edukasyon. 


Kaya’t ang pag-apruba ng Kamara sa dagdag na bilyong piso para sa 2026 budget ng Department of Education (DepEd) ay karapat-dapat lamang, para sa matagal nang utang ng estado sa mga paaralan. 


Sa deliberasyon nitong linggo, tumaas sa P1.224 trilyon ang pondo ng sektor — ang pinakamalaking alokasyon sa kasaysayan at unang beses na naabot ng Pilipinas ang 4% benchmark ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).


Ang DepEd, na unang nagpanukala ng P928.52 bilyon, ay labis ang pasasalamat sa Kongreso, ngunit ang paalala ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang halaga ng dagdag na pondo ay nakasalalay sa maayos at mabilis na implementasyon. 


Pinakamalaking bahagi ng dagdag-pondo ang P22.5 bilyon para sa Basic Education Facilities Fund na nakalaan sa pagpapatayo, pagkukumpuni, at pagpapabilis na magawa ng mga pasilidad gaya ng mga silid-aralan at upuan. Pinalakas din ang plano ng kagawaran na makipagtulungan sa mga local government unit (LGU) at pribadong sektor upang maiwasan ang pagkaantala sa mga proyektong pang-imprastraktura. 


Sa usapin ng mga mag-aaral na nasa laylayan, binigyan din ng dagdag na badyet ang mga espesyal na programa — P306 milyon para sa Alternative Learning System, P193 milyon para sa Special Needs Education, P79.6 milyon para sa Indigenous Peoples Education, at P26.25 milyon para sa Madrasah Education. 


At upang harapin ang epekto ng pandemya sa pagkatuto, makakatanggap ang ARAL Program ng P579.5 milyon para sa overload pay ng mga guro at P984 milyon para sa mga non-DepEd tutors. Hindi rin nakalimutan ang nutrisyon ng mga bata, ang School-


Based Feeding Program ay nadagdagan ng P1.88 bilyon bukod pa sa naunang P11.8 bilyon, upang matiyak na patuloy na may pagkain sa hapag ng milyun-milyong mag-aaral. 


Ang lahat ng ito ay naging posible matapos ire-align ng Pangulo ang P255 bilyon mula sa flood control projects ng DPWH. 


Maganda ang dagdag na pondo, pero ang tunay na sukatan ay hindi sa rami ng budget kundi sa bilis at bisa ng implementasyon. 


Sa bansang matagal nang problema ang kakulangan ng silid-aralan, upuan, pasilidad, oportunidad, at iba pa, ang bawat araw ng pagkaantala ng edukasyon ay nangangahulugan lamang ng pagnanakaw sa kinabukasan ng kabataan. 

Kaya naman ang dagdag-pondo ay totoong magpapabuti sa sektor na ito, subalit kailangang agad magkaroon ng resulta. 


Sa kinauukulan, hindi dapat puro pangako lamang para sa ating edukasyon, dapat maramdaman ito ng mga guro at mag-aaral.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page