top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

PNP, kailangan ng malawakang reporma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 2, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 2, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa kabila ng paulit-ulit na pangakong lilinisin ang hanay ng pulisya, nakakabahala pa ring malaman na umabot sa libong pulis ang sinibak sa serbisyo sa loob lamang ng isang taon — isang malinaw na indikasyon na malalim pa rin ang ugat ng katiwalian at abuso sa loob ng Philippine National Police (PNP). 


Ayon sa datos mula sa PNP, mahigit 1,200 pulis ang inalis sa serbisyo simula Abril 2024 hanggang Abril 23, 2025 dahil sa iba’t ibang anyo ng misconduct at paglabag. 

Sa kabuuang 1,288 pulis na tinanggal, 172 ang na-demote, at 1,456 ang sinuspinde o pinatawan ng disiplina sa ilalim ng inilunsad na mas mahigpit na internal cleansing ng PNP. 


Ang serye ng mga hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na labanan ang katiwalian at abusadong asal sa hanay ng kapulisan. 


Batay sa Pangulo, hindi dapat palampasin ang mga pulis na inaabuso ang kanilang kapangyarihan, lalo na’t sila ang dapat magsilbing tagapagtanggol ng batas at mamamayan. 


Ipinunto naman ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na ang pagsibak at pagpaparusa sa mga lumalabag ay bahagi ng kanilang seryosong adhikain na panatilihin ang disiplina at integridad sa serbisyo. 


Bagaman positibong senyales ang pagiging aktibo ng PNP sa pagpapanagot sa kanilang mga tauhan, nananatili pa ring palaisipan kung sapat ba ang mga hakbang na ito upang tuluyang maputol ang ugat ng katiwalian. Ang pagkakaroon ng halos 3,000 pulis na nasangkot sa kaso sa loob lamang ng isang taon ay malinaw na patunay ng malalim na problema sa institusyon. 


Hindi sapat ang pagdisiplina kung hindi ito sinasabayan ng malawakang reporma sa proseso ng recruitment, training, at supervision. 


Mahalaga rin ang transparency sa imbestigasyon ng mga kasong kinakaharap ng mga pulis upang mapanatili ang kredibilidad ng proseso. 


Sa huli, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng PNP ay hindi lamang sa bilang ng mga naparusahan, kundi sa pag-iral ng kulturang may pananagutan, at sa pag-angat ng respeto at tiwala ng publiko sa kapulisan — isang bagay na matagal nang nabahiran ng duda, ngunit hindi pa huli upang maibalik.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page