PNP at LTO, nagsanib-puwersa kontra motorcycle theft
- BULGAR

- Sep 29, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Sep. 29, 2024

Para mabawasan ang mga kaso ng pagnanakaw ng motorsiklo sa bansa, nagsanib-puwersa na ang Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang paglagda sa isang kasunduan nina PNP chief Gen. Rommel Marbil at LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza ay mag-uugnay sa kanilang information and communications technology (ICT) systems upang tutukan ang mga kaso ng motorcycle theft.
Batay kasi sa datos, lumalabas na ang mga kaso ng motorcycle theft ay umabot sa 30,000 taun-taon na sadyang nakakaalarma.
Gayunman, sa ilalim ng kasunduan ng PNP-LTO, sinabi ni Abalos na madali nang matutukoy ng mga law enforcer kung ang isang motorsiklo ay ninakaw, kumpara dati na tumatagal ng ilang buwan para maberipika.
Sa pamamagitan ng bagong scheme aniya, ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) ay magkakaroon ng access sa LTO ICT system sa mga record ng mga motorsiklo na kanilang iniimbestigahan o inilagay sa alarma.
Binanggit din ng DILG chief na ang mga opisyal ng PNP-HPG ay itatalaga sa LTO Command Center sa Quezon City upang mapadali ang pag-access sa impormasyon gaya ng mga detalye sa certificate of registration at official receipt ng isang partikular na sasakyan.
Pahayag pa ni Abalos, kasama rin dito ang tala ng registration history tungkol sa transfer of ownership at encumbrance at iba pang kailangan sa imbestigasyon.
Binigyang-diin naman niya na hahayaan ng PNP ang LTO na i-validate ang motorcycle vehicle clearance certificate para matiyak na authentic ang mga registration ng mga ito.
Medyo nakakaalarma na ang pagdami ng mga naitatalang kaso ng mga ninanakaw na mga motorsiklo sa ating bansa.
Kung titingnan kasi, dahil sa pagiging wais ng mga kawatan ay napakadali nilang nakukuha ang mga motorsiklo lalo na kung nakaparada lamang ang mga ito sa mga kalsada.
Minsan pa, kahit nasa loob na ng garahe naka-park ay nagagawa pa ring bitbitin ito ng mga masasamang-loob.
Ang masaklap, nai-report na nga ng biktima sa pulisya ang nawalang motorsiklo, ay maghihintay pa ng mga ilang buwan bago magkaroon ng update sa nangyari sa kanyang sasakyan.
Kaya naman tama lang ang aksyon at kanilang pagkilos kontra sa mga kaso ng motorcycle theft.
Sana lang ay maging matagumpay ang kinauukulan sa gagawin nilang ito para tuluyang masolusyunan ang naturang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments