PLM, balik face-to-face classes na
- BULGAR

- May 5, 2021
- 1 min read
ni Lolet Abania | May 5, 2021

Ibabalik na ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang kanilang face-to-face education na limitado lamang para sa Colleges of Medicine, Nursing, at Physical Therapy kasunod ng pag-apruba ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa isang statement na inilabas ng pamunuan ng PLM, sa ilalim ng clearance na ibinigay ng CHED, maaari nang ipagpatuloy ng mga estudyante ang kanilang hands-on medical clerkship na isa sa mga requirement para makapagtapos sa College of Medicine.
Pina-finalize naman ng College of Nursing at College of Physical Therapy ang kanilang mga plano kung anong laboratory courses ang isasagawa para sa limitadong face-to-face classes dahil sa mahigit isang taong pagkakaroon ng bansa ng COVID-19 lockdowns.
Matatandaang sinimulan ng PLM noong Pebrero ang kanilang online consultation sa mga estudyante, magulang, guro, faculty at mga practicing doctors na nasa Ospital ng Maynila para talakayin ang mga ideya sa pagpapatuloy ng hands-on learning.
Binisita naman ng mga opisyal ng CHED ang PLM campus noong April upang suriin ang kahandaan ng eskuwelahan, at kung ipinatutupad ang minimum health standards sa mga classrooms.
Hanggang first semester ng academic year 2021-2022 ang ibinigay na awtorisasyon para magsagawa ng limited face-to-face classes ang naturang paaralan.
Samantala, noong Enero, ipinaubaya na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga lokal na pamahalaan ang awtorisasyon upang mag-apruba sa kahilingan ng muling pagbubukas ng face-to-face classes para sa medicine at health-related courses sa gitna ng COVID-19 pandemic, habang si Manila Mayor Isko Moreno ay una nang pinayagan ang pagpapatuloy ng limited physical classes para sa medical schools ng mga unibersidad at colleges sa nasabing lungsod.








Comments