top of page
Search

ni Lolet Abania | April 19, 2022


ree

Sunud-sunod na putok ng baril ang sumalubong sa pagbisita ni presidential candidate Leody de Guzman at kanyang grupo sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon Province ngayong Martes, ayon sa campaign team na Partido Lakas ng Masa (PLM).


Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng PLM na si De Guzman ay nasa lalawigan para tulungan ang mga Indigenous Peoples (IPs) ng Manobo-Pulangiyon na mabawi ang kanilang mga ancestral lands.


Binanggit naman ng PLM na wala pang nai-report na nasawi sanhi ng insidente, subalit dalawang indibidwal ang nakumpirmang nagtamo ng mga sugat matapos ang pamamaril.


Ayon sa PLM, bineberipika na nila kung may mga indibidwal pang nasugatan.

“Ilan sa mga kasamahan nilang IPs ay tinamaan ng bala at nagtamo ng mga sugat. Malubha ang kalagayan ng mga kasamang IPs, bagama’t wala pang naiulat na namatay sa pangyayari,” pahayag ng PLM sa isang mensahe sa mga reporters.


Kinilala ng PLM ang mga nasugatan na si Nanie Abela, isang organizer ng mga magsasaka at farmworkers sa Mindanao, at isang hindi pinangalanang tribal leader ng Manobo-Pulangiyon.


Sa ulat, kasama ni De Guzman ang kanyang mga senatorial candidates na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.


Gayunman, sa isang tweet ay kinumpirma ni De Guzman na siya pati na sina Cabonegro at D’Angelo ay ligtas na lahat matapos ang insidente ng pamamaril.


“Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon,” pahayag ni De Guzman.


Nanawagan naman si De Guzman para sa kapayapaan sa Mindanao at sana’y respetuhin ang mga karapatan ng mga IPs.


“Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito. Ngunit, ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit,” dagdag ni De Guzman.


Sa ngayon, ayon sa PLM ang kampo ni De Guzman ay patungo na sa ospital. Nangako naman ang PLM na magbibigay sila ng mga detalye at updates kaugnay sa insidente.


Samantala, ayon sa Police Regional Office 10 (PRO 10), nakatanggap sila ng report ng umano’y shooting incident na naganap bandang alas-12:20 ng tanghali ngayong Martes sa Kiantig, San Jose, Quezon sa Bukidnon.


Batay sa PRO 10, isang biktima ang nai-report na nabaril at kinilala bilang isang residente ng Quezon, Bukidnon. Gayunman, nagpadala na ng mga tauhan ang pulisya sa lugar para beripikahin ang report.


“Initial investigation showed that a group of tribal petitioners allegedly forcibly entered private property, and the alleged shooting incident occurred thereafter,” ayon sa PRO 10.

 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2021



ree

Ibabalik na ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang kanilang face-to-face education na limitado lamang para sa Colleges of Medicine, Nursing, at Physical Therapy kasunod ng pag-apruba ng Commission on Higher Education (CHED).


Sa isang statement na inilabas ng pamunuan ng PLM, sa ilalim ng clearance na ibinigay ng CHED, maaari nang ipagpatuloy ng mga estudyante ang kanilang hands-on medical clerkship na isa sa mga requirement para makapagtapos sa College of Medicine.


Pina-finalize naman ng College of Nursing at College of Physical Therapy ang kanilang mga plano kung anong laboratory courses ang isasagawa para sa limitadong face-to-face classes dahil sa mahigit isang taong pagkakaroon ng bansa ng COVID-19 lockdowns.


Matatandaang sinimulan ng PLM noong Pebrero ang kanilang online consultation sa mga estudyante, magulang, guro, faculty at mga practicing doctors na nasa Ospital ng Maynila para talakayin ang mga ideya sa pagpapatuloy ng hands-on learning.


Binisita naman ng mga opisyal ng CHED ang PLM campus noong April upang suriin ang kahandaan ng eskuwelahan, at kung ipinatutupad ang minimum health standards sa mga classrooms.


Hanggang first semester ng academic year 2021-2022 ang ibinigay na awtorisasyon para magsagawa ng limited face-to-face classes ang naturang paaralan.


Samantala, noong Enero, ipinaubaya na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga lokal na pamahalaan ang awtorisasyon upang mag-apruba sa kahilingan ng muling pagbubukas ng face-to-face classes para sa medicine at health-related courses sa gitna ng COVID-19 pandemic, habang si Manila Mayor Isko Moreno ay una nang pinayagan ang pagpapatuloy ng limited physical classes para sa medical schools ng mga unibersidad at colleges sa nasabing lungsod.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page