top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

Pitong kaloob ng Espiritu Santo, paalala sa mga nasa kapangyarihan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 24, 2026



Fr. Robert Reyes


Minsan lamang sa isang taon ipinagdiriwang ang Pista ng Pentekostes—ang paggunita sa pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostoles at sa buong mundo. Lumaki tayo sa Santa Cruz, Maynila. Nang tayo’y isilang, tumira tayo sa bahay ng lola sa ama sa Dimasalang, sa likod ng dating San Lazaro Hippodrome na ngayo’y naging SM San Lazaro.


Tuwing Sabado o Linggo, dinadalaw ng ating mga magulang ang ating Lola Veray, ina ng ating ina, sa Daang Bakal, Santa Cruz, Maynila. Paminsan-minsan ay nagsisimba rin kami sa Simbahan ng Espiritu Santo sa Tayuman, katabi ng Catholic Trade Center.


Sa loob ng simbahan ay may napakagandang pinta o mosaic na nagpapakita ng pagbaba ng Espiritu Santo kina Maria at sa mga Apostoles. Makikita sa ibabaw ng altar ang puting kalapati at sa ilalim nito ang mga dilang apoy sa ibabaw ng ulo ng labindalawang apostoles kasama si Maria, Ina ni Hesus. Simple ngunit napakalinaw ng mensahe—sa pag-alis ni Hesus, tinupad niya ang kanyang pangakong hindi iiwanang nangungulila ang sangkatauhan, kundi ipadadala ang Espiritu Santo.


Tila nangungulila ngayon ang mundo at maging ang ating bansa sa kasalukuyang kalagayan. May digmaan sa Iran, Gaza, Ukraine at sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Halos lahat ng bansa ay may kinahaharap na krisis. Ramdam ng lahat na iisa lamang ang mundong ginagalawan nang sumiklab ang tensyon na pinangunahan nina Trump at Netanyahu laban sa Iran. Humigpit ang suplay ng langis mula sa Gitnang Silangan kaya biglang tumaas ang presyo nito sa buong mundo.


Kasabay nito ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo. Umaalma ang marami ngunit tila walang magawa. Paano mamamasada ang mga taxi, dyip, Grab, Angkas, tricycle at mga delivery truck na kailangang maghatid ng mga pangunahing pangangailangan?


Tumaas ang halaga ng dolyar at muling bumagsak ang piso. Maraming trabaho ang natigil at muling umasa ang marami sa ayuda mula sa gobyerno. Samantala, lalo namang tumitindi ang pagyayabang ng mga bansang nagdidigmaan na nagbabantang “uubusin” at “dudurugin” ang kanilang mga kalaban. Ngunit sa huli, wala ring ganap na nagwagi. Sa ngayon ay nagmamatyagan lamang ang magkabilang panig habang umiiral ang pansamantalang tigil-putukan.


Dagdag pa rito ang kaguluhang nagaganap sa ating bansa. Mistulang mumurahing teleserye ang napapanood araw-araw sa Senado. Maraming senador ang tila umaarte ngunit kapansin-pansin ang mababang antas ng kanilang pagpapakita sa publiko. Dahil dito, bumabagsak ang kredibilidad ng Senado. Sunod-sunod ang batikos, panunuligsa at pagkadismaya ng mamamayan sa mga taong nais tawaging “kagalang-galang” ngunit tila nawawalan na ng kahihiyan at malasakit sa taumbayang bumoto at nagpapasahod sa kanila.


Nang bumaba ang Espiritu Santo kina Maria at sa mga Apostoles, ipinagkaloob sa kanila ang Pitong Kaloob: Karunungan, Pagkaunawa, Kaalaman, Mabuting Payo, Katatagan, Kabanalan at Banal na Pagkatakot sa Diyos. Ngunit kung susuriing mabuti, tila may isang mahalagang birtud na nakapaloob sa lahat ng ito—ang kababaang-loob, na kabaliktaran ng kayabangan. Ang kababaang-loob ay itinuturing na ina ng lahat ng mabubuting asal, samantalang ang kayabangan naman ang ugat ng maraming kasamaan.


Kung hihilingin nating manaig ang Espiritu Santo sa puso ng ating mga senador, at kung magiging bukas sila sa pagtanggap sa Kanyang mga kaloob, marahil ay mababawasan ang kayabangang makikita sa marami sa kanila. Maaaring higit na mayabang ang mayorya dahil hawak nila ang kapangyarihan, ngunit hindi rin nangangahulugang ligtas dito ang minorya.


Parehong panig ay maaaring magmalaki at mag-isip na sila lamang ang tama. Kaya malinaw na ang lahat—mayorya man o minorya—ay nangangailangan ng kababaang-loob upang tunay nilang matanggap ang pitong kaloob ng Espiritu Santo.


Marami na ang nagsalita at marami pa ang magsasalita sa mga susunod na araw, ngunit walang sinuman ang makapagsasabing hindi kailangan ng Senado, at ng buong bayan, ang paggabay ng Espiritu Santo. Kailangang-kailangan ito ng mayorya, ng minorya at ng bawat mamamayan.


Mga senador, mga kawani ng pamahalaan at lahat ng mamamayan, dasalin natin ang Panalangin sa Espiritu Santo:


“Halina, Espiritu Santo, punuin Mo ang puso ng Iyong mga tapat at sindihan sa kanila ang apoy ng Iyong pag-ibig.


Ipadala Mo ang Iyong Espiritu at sila ay malilikha. At mababago Mo ang mukha ng lupa.

O Diyos, na nagturo sa puso ng Iyong mga tapat sa pamamagitan ng liwanag ng Espiritu Santo, ipagkaloob Mo na sa tulong ng gayunding Espiritu ay matutuhan naming ibigin ang mabuti at laging magalak sa Kanyang pag-aliw. Alang-alang kay Kristo na aming Panginoon. Amen.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page