top of page

Pinoy, tamang disiplina ang dapat para sa Kapaskuhan at Bagong Taon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 23, 2025



Boses by Ryan Sison


Panahon na naman ng kasiyahan, at dahil paparating na ang Pasko at Bagong Taon, kasabay ng saya at ingay ang panganib na matagal nang paulit-ulit na nangyayari, ang mga taong napuputukan at nadidisgrasya. 


Kaya mahalagang pansinin ang paghahanda ng Central Luzon Center for Health Development (CLCHD) bilang paalala na ang kaligtasan ay hindi dapat isinasantabi sa ngalan ng tradisyon.


Ayon sa Department of Health (DOH), sinimulan na ng CLCHD ang masinsing paghahanda para sa posibleng pagdami ng fireworks-related injuries sa rehiyon. Pinangunahan ng isang opisyal ng CLCHD, na nagsabing minomonitor na ang mga kagamitan at kakayahan ng lahat ng DOH hospitals sa Central Luzon. Layunin nitong matiyak na handa ang mga pasilidad at health worker sa agarang pagtugon sa anumang insidente.


Ang Central Luzon ay sentro ng industriya ng paputok sa bansa, kaya’t inaasahan ang mas mataas na panganib ng aksidente tuwing kapaskuhan. Sa monitoring ng CLCHD, kasama sa pagsusuri ang mga hospital facilities, sapat na medical equipment, at bilang ng mga health personnel. Tiniyak din na nabigyan ng orientation ang mga ospital kaugnay sa pinakahuling ulat at patakaran ng DOH Action Paputok Injury Reduction campaign.


Bukod sa kahandaan ng mga ospital, binigyang-diin ni Flores ang papel ng disiplina ng mamamayan. Hinikayat niya ang publiko na gawing ligtas ang selebrasyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa paputok, pagkain ng tama, regular na pag-eehersisyo, at maingat na pagbibiyahe. Sa simpleng pagsunod sa paalala, maraming trahedya ang maaaring maiwasan.


Kasabay nito, pinaigting din ng DOH ang paggamit ng national electronic injury surveillance system. Ito ay isang real-time monitoring tool na tumutukoy hindi lamang sa paputok-related injuries, kundi pati sa road crashes, stroke, at mga sakit sa puso at baga. Sa ganitong paraan, mas mabilis ang pagtugon at mas malinaw ang datos na basehan ng pamahalaan para umaksyon.


Hindi sapat ang paghahanda ng ospital kung kulang ang disiplina ng mamamayan. Ang kaligtasan ay hindi lamang responsibilidad ng DOH o ng mga doktor. Ito ay pananagutan ng bawat Pinoy. 


Sa isang iglap ng saya, maaaring mawala ang isang buhay o masira ang kinabukasan. Ang tunay na kasiyahan tuwing may selebrasyon ay iyong walang nadadagdag na pasyente sa mga kwarto ng ospital, at walang pamilyang nalulugmok dahil sa kapabayaan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page