top of page
Heart Evangelista.jpg

Pinoy na kumakapit sa utang, parami nang parami

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 19, 2023
  • 3 min read

Updated: Oct 4, 2023

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 19, 2023



Si Lily (hindi niya tunay na pangalan) ay isang call center agent na naulila ng kanyang asawa noong isang taon at siya ngayon ang mag-isang nagpapalaki at nagpapaaral ng kanilang tatlong anak.


Sumusuweldo siya ng mas mataas nang kaunti sa minimum na sahod. Ngunit, pagdating ng sahod niya, kalahati roon ay inilalaan niyang pambayad sa mga pagkakautang, kabilang na ang para sa tatlo niyang credit card na isang taon na niyang binubunong bayaran. Pero sa laki ng gastusin, pumapalya na siya ng pagbabayad o puwedeng sabihin na hirap na hirap talagang magbayad.


Ang mga inutang ni Lily ay ginamit niya lamang para sa mga pang-araw-araw na pagkain at pantustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Hindi ito para bumili ng anumang ari-arian o magamit sa pagpapabuti ng buhay ng pamilya niya.


Halos ganito ang nararanasan ng marami nating mga kababayan, na ang susuwelduhin pa lang nila ay kailangan nang ilaan na pambayad sa utang, na ginamit bilang pantawid, habang mangungutang uli para sa kanilang pagkain at gastusin sa kasalukuyang buwan.


Ayon sa pinakahuling ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), isa sa bawat dalawang Pinoy na nasa hustong gulang ang may pagkakautang. Tanging 19% lamang ang hindi nangungutang o walang record ng pangungutang.


Ang masaklap, noong magtaas ng interes ang mga institusyong pinansyal ay lalong nahirapang magbayad ng utang ang ating gipit nang mga mamamayan.


Patuloy din na iniinda nila ang dagdag na bayarin sa kanilang lumolobong mga utang na halos nagpapalubog sa kanilang kalagayan.


Totoong hindi masama ang pangungutang ng pera, kung ito ay gagamitin para maiangat ang sitwasyon at mapabuti ang buhay o kaya naman ay maabot ang mithiin ng nanghihiram tulad ng pagkakaroon ng kabuhayan at sariling tahanan. Pero, kung ang utang ay walang pinatutunguhan at nagpapagipit lamang sa humihiram, magsisilbi itong pabigat at pahirap sa pag-ahon nito sa buhay.


Batay sa pinakahuling datos ng BSP, ang tinatawag na “bad loans” o “nonperforming loans” o mga utang na hindi nababayaran sa loob ng nakalipas na 90 araw ay umaabot na sa P427 bilyon.


Napakahirap ng kalagayan ng ating mga kababayan na nalulunod na sa patung-patong na utang na kung tutuusin ay walang dalang benepisyo sa kalaunan.


Marami rin ang napupuwersang mangutang kahit malaki ang interes dahil sa kapos ang kanilang kinikita at sa mahal ng presyo ng mga bilihin lalo na ng pagkain.


Kung isa ka sa ilan na nakakabayad sa mga hiniram at hindi namomroblema dahil sa utang, masuwerte ka na at nasa mas mabuti ang iyong kalagayan kumpara sa marami nating naghihikahos na kababayan.


Pero, ano nga ba ang ginagawa ng ating gobyerno para mapagaan ang pasanin ng mga kababayang nababaon na sa masamang pagkakautang?


Marahil, panahon na para ibangon natin at tulungan ang mga mamamayan na makaahon sa utang na talagang nagpapalubog sa kanila habang lumiliit din ang tsansang bumuti ang kanilang buhay.


Kinakalampag natin ang buong puwersa ng pamahalaan upang gawing paganahin ang mga galamay nito at nang makahinga-hinga naman ang ating mga kababayang sakal na sa utang.


Tulungan at alalayan sana ninyo ang mga ordinaryong Pinoy, at ‘wag hayaan na lamang sila sa kagipitan.


Ituro rin sana sa kanila ang mga pamamaraan kung saan at paano makalapit o makahingi ng tulong sa lahat ng sangay ng gobyerno nang sa ganu’n ay makaluwag-luwag din sila sa buhay.


Umaasa tayong muling ikokonsidera ng BSP, ang pagpapababa ng rate ng interes para makabawas sa bayarin ang malaking tubo sa pagkakautang. Mahalagang makaahon ang taumbayan para na rin sa kabutihan ng lahat.


Ang nakakainis lang habang namomroblema sa utang ang mga kababayan, abala naman ang gobyerno sa paghingi ng confidential funds. Hayss!





1 Comment


joseoliveros1947
Sep 21, 2023

Sapagka't ang kinikita ng karaniwang mamamayang Pilipino ay galing sa kanilang suweldo na halos ay hindi na sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan, talagang puwersadong mangutang - kapit sa patalim. Kaya nga wala na silang kakayahang mag-ipon sa bangko, iyong tinatawag na marginal propensity to save. Tumbok na tumbok at asintadong asintado ni Bb. Judith Sto. Domingo and problemang ito.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page