top of page
SPECIAL - SERIES NINA IAN AT HARVEY TUNGKOL SA DRUG WAR, IPINA-STOP SA YOUTUBE_FB Rhein En

Pinoy, ‘di dapat matakot na magpaospital dahil sa bayarin

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 21
4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 21, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Napakaraming Pilipino ang takot magpa-ospital dahil walang pambayad. Marami rin ang nangangamba na kahit gumaling na sa sakit at pinayagan na ng doktor na umuwi, baka hindi sila makalabas ng ospital dahil may natitira pa silang bayarin.


Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Health, naniniwala ako na kapag gumaling na ang pasyente, hindi dapat maging dahilan ang kakulangan sa pera para manatili siyang nakakulong sa ospital – o kung tawagin ay “hospital detention”, lalo na kung hindi naman nito pinili na sa private room mai-admit.


Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mahalaga para sa akin ang pagpasa ng Senado, sa ikatlo at huling pagbasa noong August 17, ng Senate Bill No. 1511 o ang panukalang Enhanced Anti-Hospital Detention Act. Tayo po ay co-author at co-sponsor ng panukalang batas na ito. 


Layunin nitong palakasin ang Republic Act No. 9439 o ang Anti-Hospital Detention Law at dagdagan ang proteksyon sa mga pasyente at kanilang pamilya laban sa hindi makatarungang pagpigil sa ospital dahil lamang sa hindi pa nababayarang gastusin. Ipinalalawak ng panukala na maisama sa saklaw ng batas ang mga pasyenteng na-admit sa private room nang hindi nila naman kagustuhan. 


Mananatili pa rin ang mga mekanismo kung saan maaaring gumawa ng promissory note o magbigay ng kaukulang garantiya ang pasyenteng walang kakayahang magbayad agad.


Naiintindihan natin na may obligasyon din ang mga ospital at kailangan nilang magkaroon ng sapat na pondo para magpatuloy ang kanilang serbisyo. Kaya mahalagang magkaroon tayo ng patas at makataong sistema na nagpoprotekta sa pasyente at mayroon ding mekanismo para mapangalagaan ang ating mga health facilities.


Bilang isang health reforms crusader, patuloy kong ipinaglalaban na mas maging abot-kaya at accessible ang serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mahihirap at walang sapat na kakayahang magbayad.


Kasama rito ang patuloy kong panawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth): gamitin ang pondo ng tama. Ang pera ng PhilHealth ay dapat mapakinabangan ng mga miyembro nito sa pamamagitan ng mas malawak na benepisyo, mas malaking tulong sa gastusing medikal, at mas mababang kailangang ilabas na pera ng mga pasyente.


Ang pondong para sa kalusugan ay dapat makarating sa mga taong nangangailangan nito. Bahagi ng ating health reforms crusade ang pagpapalakas sa primary care ng mga pampublikong ospital, at mga programang naglalapit ng tulong medikal sa ating mga kababayan.


Ngayong patuloy ang pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa, paalala natin sa kapwa Pilipino na hangga't maaari ay iwasang mababad sa ulan. Kapag nakakaramdam ng sintomas o hindi maganda ang pakiramdam, magpatingin agad sa health professional. Mas mabuting maagapan ang sakit habang maaga kaysa hintaying lumala at mas maging mahirap at magastos ang gamutan.


Samantala, bilang miyembro ng Senate Committee on Local Government, personal tayong dumalo sa Vice Mayors’ League of the Philippines - Quezon Chapter Legislative Excellence (LEx) Academy sa Maynila noong August 12. Dito, binigyang-diin natin ang mahalagang papel ng mga bise alkalde sa pagtataguyod ng maayos at responsableng pamamahala at sa paghahatid ng mas mahusay na serbisyo publiko.


Dumalo rin tayo bilang Guest of Honor and Speaker sa 4th Regional Conference ng Pambansang Samahan ng Inhinyero Mekanikal (PSIM) Davao Chapter sa Davao City noong August 13.


Nito namang August 17, kahit inabot tayo ng malakas na ulan, binisita natin ang mga kababayan nating nasunugan sa Brgy. 739 sa Malate, Manila. Agad tayong nagbigay ng tulong para sa kanilang pang-araw araw.


Nito ring August 19 ay personal nating binisita at tinulungan ang mga kababayan natin sa Brgy. 51 sa Pasay City na apektado rin ng sunog. Personal nating kinumusta ang sitwasyon ng ilang pamilya doon kung saan nakita nating dikit-dikit ang mga kabahayan na nagdulot ng mabilis na pagkalat ng sunog sa lugar. 


Noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan nating nangangailangan. Agad nilang tinulungan ang mga nasunugan sa Caloocan City; Malabon City; Roxas City, Capiz; San Carlos City, Negros Occidental; Cagayan de Oro City; at Bislig City, Surigao del Sur.


Tuloy-tuloy rin ang pamamahagi natin ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng bagyo at malakas na ulan mula sa Malolos City at Bulakan, Bulacan; Dinalupihan, Bataan; Narvacan, Ilocos Sur; at Sta. Barbara, Pangasinan. Binisita at naghatid ng pakikiramay ang aking team sa mga kababayan nating namatayan sa insidente ng landslide sa Atok at La Trinidad, Benguet at Baguio City.


Dumalo rin ang aking Malasakit Team sa pagbubukas ng bagong Super Health Center sa Kalamansig, Sultan Kudarat, kung saan namahagi rin tayo ng tulong sa mga barangay health workers.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, patuloy kong sinusuportahan ang mga programang nagbibigay ng oportunidad sa ating mga kabataan. Nakiisa rin ang ating Malasakit Team sa Sangguniang Kabataan Congress ng mga youth leaders mula sa lalawigan ng Quezon at sa 6th Mayor’s Cup Tournament sa San Remigio, Antique.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa ating kapaa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page