Pinipipilit mamamalimos ang 10-anyos na pamangkin
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 22, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroon kaming kapitbahay na lalaki na napag-alaman naming pinipilit niya ang kanyang pamangkin na 10-anyos na mamalimos sa aming lugar. Siya ay kalaro ng nakababata kong kapatid at nalaman ng kapatid ko ang pamimilit na ginawa sa kanya dahil takot na ang nasabing bata na pumunta sa aming lugar. Nais magreklamo ng tiyahin ng bata sa ama nito, hiwalay na kasi ang mga magulang ng bata na parehong nasa ibang bansa. Ang pangamba ng tiyahin ng bata sa ama ay baka walang batayan na magreklamo siya. Sabi rin kasi ng bata na ilang beses lamang nangyari ang pamimilit. Gayunman ay mababanaag na may trauma na ang bata. Sa palagay ninyo maaaring magreklamo kahit iilang beses lamang nangyari ang pamimilit? – Ted
Dear Ted,
Ang isa sa mga batas na nagsusulong na mabigyan ng karampatang proteksiyon ang mga bata laban sa pang-aabuso ay ang Republic Act (R. A.) No. 7610, o mas kilala bilang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.” Mababanaag sa nasabing batas na ang pang-aabuso o “child abuse” ay hindi kinakailangan na palaging ginagawa sa batang biktima. Maaari pa ring makonsidera na mayroong pang-aabuso sa bata kahit na ito ay isa o iilang beses lamang naganap. Malinaw itong nakasaad sa Section 3 ng R. A. No. 7610:
“Section 3. Definition of Terms. –
x x x
(b) “Child abuse” refers to the maltreatment, whether habitual or not, of the child which includes any of the following:
(1) Psychological and physical abuse, neglect, cruelty, sexual abuse and emotional maltreatment;
(2) Any act by deeds or words which debases, degrades or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being;
(3) Unreasonable deprivation of his basic needs for survival, such as food and shelter; or
(4) Failure to immediately give medical treatment to an injured child resulting in serious impairment of his growth and development or in his permanent incapacity or death.” (Binigyang-diin)
Kabilang din sa masasabing uri ng pang-aabuso ang pamimilit sa isang bata na mamalimos o gamitin ang pamamalimos bilang paraan ng pamumuhay. Malinaw na nakasaad sa Section 10 ng R. A. No. 7610 ang sumusunod:
“Section 10. Other Acts of Neglect, Abuse, Cruelty or Exploitation and Other Conditions Prejudicial to the Child’s Development. –
x x x
(e) Any person who shall use, coerce, force or intimidate a street child or any other child to:
(1) Beg or use begging as a means of living; x x x”
Alinsunod sa nakasaad na mga probisyon ng batas sa itaas, maaaring maghain ng reklamo ang tiyahin ng batang biktima kung mayroong sapat na ebidensiya, o kaya naman ay malinaw na maibabahagi ng naturang biktima sa pamamagitan ng testimonya ang mapang-abusong gawain at/o pamimilit na ginawa sa kanya dahilan upang siya ay lubhang magkaroon ng takot o trauma. Tandaan na layunin ng batas na mapangalagaan hindi lamang ang pisikal na aspeto ng pagkatao ng isang bata, kundi gayon na rin ang aspetong emosyunal at sikolohikal ng kanyang pagkatao.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments