Pingris, hinimok ng biyenan na huwag muna magretiro
ni MC - @Sports | May 31, 2021

Nagdadalawang-isip ngayon si Magnolia HotShots center Marc “Sakuragi” Pingris sa kanyang gagawing pagreretiro sa PBA matapos itong tawagan ng kanyang sikat na biyenang si comedian at TV host Vic Sotto upang kumbisihing huwag magretiro.
Ayon sa ulat, isa si Sotto sa mga kumausap kay Pingris na ipagpaliban muna ang pagreretiro sa PBA dahil kaya pa umano nitong maglaro ng basketball. Sa kuwento ng 39-year-old na si Pingris, sinabi umano ng kanyang biyenang si Sotto, kilala sa mundo ng showbiz bilang “Bossing”, na kaya pa nitong maglaro matapos malaman ang plano niyang pagreretiro sa basketball.
“Actually nu'ng sinabi ko ‘Dad, baka mag-retire na ako kasi kailangan kong asikasuhin yung business namin ni Danica, sabi niya, ‘No, huwag pa. Kaya mo pa,’” ayon kay Pingris kaugnay sa maigsing pag-uusap nila ni Bossing. “Huwag ka munang mag-retire. Kayang-kaya mo pang maglaro.” Dahil sa paggalang at paghanga sa kanyang biyenan, inamin ni Pingris na bigla siyang nagdalawang-isip sa plano niyang pagreretiro.
Pero sa huli, nanaig pa rin sa native ng Pozzorubio, Pangasinan kung ano ang isinisigaw ng kanyang puso. “Sabi ko, ‘Dad, kailangan ko kasing mamili. Short term or long term. Alam ninyo naman ang panahon ngayon, kailangan kong mag-focus sa isang bagay,’” dagdag ni Pingris. “Pero sabi niya, ‘basta ako, gusto ko maglaro ka pa,” hirit naman ni Sotto sa kanilang pag-uusap.
Kilala si Sotto, 67, sa isa sa mga tagasuporta sa career ni Pingris dahil makikita itong laging nanonood ng live sa mga huling laro ng basketball star sa PBA o maging sa paglalaro nito sa Gilas Pilipinas. Matatandaang inanunsiyo ng 6-foot-4 na si Pingris, nine-time champion sa San Miguel Corporation (SMC) group, ang kanyang pagreretiro nitong nakaraang mga mga araw na ikinagulat ng maraming basketball fans. Isa ang asawa ni Pingris na si Danica, anak ni Sotto sa dating partner nitong si Dina Bonnevie, sa mga nalungkot dahil sa desisyon ng basketbolista.





Comments