top of page

‘Pinas, ‘wag payagang maging tapunan ng peke at substandard na produkto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 8
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 8, 2025



Boses by Ryan Sison

Nakakabahala ang pagkalat ng mga peke at substandard na produkto sa ating bansa. Dito posibleng malagay sa alanganin ang kalusugan ng bawat isa sa atin, lalo na siyempre ang mga mamimili. 


Pero kung tunay na mahalaga ang mga konsyumer, bakit hindi mas higpitan ang pagbabantay o pagmomonitor sa mga peke at substandard na produkto sa bansa? 

Kaya naman nanawagan na ang Federation of Philippine Industries (FPI) sa pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay sa pagpasok ng mga produkto sa bansa, lalo na ang mga nagmumula o galing sa China. 


Ayon kay FPI Chairman Dr. Jesus Arranza, patuloy ang pagdagsa ng mga produktong mababa ang kalidad sa lokal na merkado, at marami sa mga ito ay ilang ulit nang bumagsak sa pagsusuri, batay na rin sa Philippine at international standards. 


Iginiit ni Arranza na sinasamantala ng ilang dayuhang negosyante ang maluwag na regulasyon sa Pilipinas upang ipuslit ang mga hindi ligtas na produkto. Gayundin aniya, may posibilidad na ginagamit ang ating bansa bilang tambakan ng mga substandard na produkto, lalo na marahil nang patawan ng mas mataas na taripa ang China ng Estados Unidos. 


Nanawagan na rin ang FPI sa Bureau of Product Standards (BPS) at Food and Drug Administration (FDA) para paigtingin ang inspeksyon at testing sa iba’t ibang imported products. 


Sa ganang akin, hindi dapat palusutin ang mga produktong bumabagsak sa quality check at mga pagsusuri. Kailangan nating tiyaking ligtas, dekalidad, at sumusunod sa pamantayan ang lahat ng ibinebenta sa merkado upang maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan. 


Sa gitna ng mga umiiral na batas sa proteksyon sa konsyumer, ang tunay na hamon ay ang implementasyon. 


Kapag tuluy-tuloy ang pagpapabaya sa mga produktong ipinapasok sa ating bansa, ang palaging talo ay ang karaniwang mamimili. Kaya’t kung talagang para sa kapakanan ng mamamayan at totoong serbisyo-publiko, kailangang maging masigasig ang gobyerno sa pagpapatupad ng regulasyon. 


Ang bawat produkto sa merkado ay dapat sumasalamin sa halaga ng buhay at kaligtasan ng bawat Pilipino.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page