Pinakamalagim na soccer game sa Indonesia, 174 patay sa stampede
- BULGAR
- Oct 3, 2022
- 2 min read
ni MC - @Sports | October 3, 2022

Umakyat sa 174 ang nasawi sa stampede sa isang Indonesian soccer match, karamihan sa kanila ay naapakan hanggang sa mamatay matapos magpaputok ng tear gas ang mga pulis upang pawiin ang mga kaguluhan noong Sabado ng gabi, dahilan para ituring itong pinakamalagim na trahedya ng sports event sa buong mundo.
Sumiklab ang kaguluhan matapos ang laro noong Sabado ng gabi kung saan ang host Arema FC ng Malang City ng East Java ay natalo sa Persebaya ng Surabaya 3-2.
Dahil sa pagkadismaya matapos ang pagkatalo ng kanilang koponan, libu-libong tagasuporta ng Arema, na kilala bilang “Aremania,” ang nag-react at naghagis ng mga bote at iba pang bagay sa mga manlalaro at opisyal ng soccer.
Dinagsa ng mga tagahanga ang pitch ng Kanjuruhan Stadium bilang protesta at hiniling na ipaliwanag ng pamunuan ng Arema kung bakitpagkatapos ng 23 taon ng walang talo ang mga laro.
Nagkagulo nang husto hanggang labas ng stadium kung saan limang police patrol ang binalibag at nasunog sa gitna ng kaguluhan.
Nagpaputok ng tear gas ang riot police hanggang sa stand ng stadium sanhi para mag-panic ang mga tao. Ang tear gas ay ipinagbabawal sa mga soccer stadium ng FIFA.
Marami ang na-suffocate, mga naapakan ng daan-daang tao na nag-uunahan sa pagtakbo paglabas ng stadium para makaiwas sa tear gas. May 34 agad ang namatay, kabilang ang dalawang opisyal, at may mga paslit na nasawi.
Mahigit 300 ang isinugod sa ospital at marami rin ang sugatan. Sinabi ni Vice Gov. Emil Dardak ng East Java sa Kompas TV na ang bilang ng mga nasawi ay 174, habang higit sa 100 mga nasugatan at may 11 ang nasa kritikal na kondisyon.
Pinatawan ng indefinite suspension ang premier Liga 1 ng soccer ng Indonesian association na PSSI, dahil sa trahedya at bawal nang mag-host ang Arema ng soccer matches sa nalalabing season matches.
Isa-isang nagdatingan ang mga kaanak ng mga nasawi sa Saiful Anwar General Hospital ng Malang upang kilalanin ang mga bangkay sa morge.
Labis namang ikinalungkot ng pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ang trahedyang sinapit ng mga manonood at nakiramay siya sa mga namatayan sa kanyang pahayag sa telebisyon noong Linggo. “Dapat nating patuloy na mapanatili ang sportsmanship, sangkatauhan at isang pakiramdam ng kapatiran ng bansang Indonesia."








Comments