Pinagbabawalan sa paggamit ng socmed… SEN. ROBIN: KABATAAN NGAYON, MAHIHINA!
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | February 13, 2026

Photo: FB Robin Padilla
“Ang mga bata ngayon, sad to say, you are weak,” ang pahayag ng aktor na si Sen. Robin Padilla sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Wednesday, February 11, 2026.
Saad ni Sen. Robin, “Siguro naman, ‘yung iba rito, ‘di ko man kaedad, eh, naranasan n’yo ‘yung panahon ng ‘90s at ‘80s na tayo ay naglalaro pa, masaya pa. Ang mga bata po ngayon, sad to say, ‘wag kayong magagalit sa akin. Naku, maraming batang magagalit siguro, pasens’ya na kayo. You are weak.
“‘Di kayo katulad noong panahon namin na ‘di kami iyakin. Natuto kami sa kalsada, natuto kami na ‘wag umupo at umiyak. Noong panahon namin, ‘di uso ang salitang ‘depression’. ‘Di ko nga alam ‘yun. Ngayon, batang maliit sasabihin, ‘I’m depressed,’ magulo.”
Sa naganap na hearing, naka-focus ang usapin sa pagsusulong ng limitasyon ng mga bata sa paggamit ng social media upang protektahan sila sa cyberbullying, mental health issues, at online threats.
In fairness, Sen. Robin Padilla, isa ‘yan sa mga magagandang batas na isinulong mo para sa mga kabataan.
Inamnn ng vlogger na si Boss Toyo sa kanyang social media post na nagkamali siya sa pagkakakilala sa TV host-aktor na si Willie Revillame.
Saad ni Boss Toyo, “Sobrang nagkamali ako sa taong ‘to. Dahil naniwala ako sa mga nakikita ko sa social media tungkol kay Kuya Wil.
“Pero noong nakasama ko s’ya nang tatlong araw, lahat nakita ko, narinig ko ang mga kuwento ng buhay n’ya, ‘di mula sa kanya kundi sa mga taong nakapaligid sa kanya. Sa tatlong araw, du’n ko rin nakita kung gaano s’ya katotoong tao.
“‘Yung namimigay ng walang kamera dahil sarili n’yang pera, kaya sabi n’ya ‘di na n’ya kailangan ikamera o ipagsigawan ang pagtulong. ‘Yung napapanood sa telebisyon na pamimigay, dahil ‘yun ay trabaho at kailangan ng sponsors, pero ‘pag sarili n’ya, walang kamera, walang kahit ano. ‘Yung kuwento ng kanyang tagumpay na walang sinagasaan at walang halong anomalya, kaya malaya n’yang nabibili ang mga gusto n’ya.
“Nagtanong ako sa kanya kung paano n’ya naha-handle ‘yung mga ibang tao na namba-bash sa kanya. Sabi n’ya, una, ‘di s’ya nagso-social media. Pangalawa, ang katotohanan, kahit ano’ng gawin mo sa mundo, may masasabi at masasabi pa rin sila sa ‘yo. Kaya kung ano ang nagpapasaya sa ‘yo at sa ibang tao, ‘yun ang gawin mo.
“Oo, medyo may pagkaistrikto s’ya pagdating sa trabaho dahil mas mainam daw ‘yun, dahil disiplina ang gusto n’yang iparating sa lahat ng tao na nakapaligid sa kanya, lalo na pagdating sa trabaho.
“Isa pa, tao lang ako, marami tayong pagkakamali, pero ‘di ibig sabihin noon, eh, masama na dahil ang buhay ay isang malaking paaralan para sa lahat, at habang nararanasan mo ang lahat, natututo ka.
“Pinahanga ako ng taong dati ay ‘di ko hinahangaan. Mali ako, at tinanggap n’ya ‘yun. Salamat sa mga turo, Kuya Wil! Salamat sa pagbibigay ng pagkakataon na makakuwentuhan ka. Hihintayin ko na makasama ko kayo sa isang entablado.”
In fairness sa host ng Wilyonaryo na si Willie, matulungin naman talaga siya.
AYAW paawat sa pag-arangkada ang career ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE) Kapuso Big Winner na si Mika Salamanca dahil matapos i-launch bilang bida sa seryeng The Secrets of Hotel 88 (TSOH88), ganap na siyang music artist sa pag-release ng kanyang bagong awiting Kasalanan, na bahagi ng kanyang inaabangang debut album sa ilalim ng Star Music.
Sa loob lamang ng dalawang araw, nanguna ito sa iTunes Philippines at napasama rin sa New Music Friday list ng Spotify at Billboard Philippines. Sinulat ng Star Music artists na sina Jeremy G, Ishiro Incapas, at Russu Laurente ng P-pop group na WRIVE ang Kasalanan na tungkol sa pag-ibig na malaya, walang takot, at walang pakialam sa sasabihin ng iba.
“Ito rin po ay nagsisilbing love letter ko sa mga fans ko na simula’t sapul ay ‘di ako iniwan at patuloy akong sinusuportahan sa kabila ng mga panghuhusga sa akin sa social media,” pagbabahagi ni Mika Salamanca.








Comments