ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | August 24, 2025

Photo: Lars Pacheco - FB
Napakasakit ng nangyari sa content creator na si Clyde Vivas, iniwanan siya ng kanyang long-time partner habang natutulog.
Nagpaalam lang sa pamamagitan ng mensahe ang kanyang ex-dyowa na transwoman beauty queen na si Lars Pacheco.
Saad ni Clyde, “7 years. Sa loob ng 7 years na punong-puno nang pagmamahalan, walang pinagsisihan nirespeto, inalagaan at ipinaglaban sa lahat.
“Naalala ko nga nu’ng una tayong nagka-chat hanggang sa una tayong magkita. Hindi ko alam kung paano ako haharap nae-excite na kinakabahan. Hanggang sa lagi na tayong nagkikita at unti-unti nang nagkakilala nang lubusan at nabubuo ang pagmamahalan natin sa isa’t isa.
“Hindi ko lubos akalain na ikaw ang makakapagpabago sa ‘kin, salamat sa ‘yo kasi natuto akong magmahal nang sobra-sobra higit pa sa sarili ko.
“Nakakalungkot lang na iniwan mo ‘ko habang natutulog at nag-iwan ka ng mahabang mensahe para sa ‘kin.
“Sana, kinausap mo muna ako para alam ko ang lahat ng gagawin, pero ganu’n siguro talaga. Nawalan ka na rin ng pagmamahal sa ‘kin, nagsawa ka na.
“Sabi ko nga sa ‘yo noon nu’ng ipinaglaban kita, hinding-hindi ako magsasawa na mahalin ka dahil pinili kita. Kaya lang, ba’t nag-iba?
“Sorry kung masyado akong na-over (nasobrahan) sa pagmamahal sa ‘yo, nawalan na ng challenge ang lahat.
“‘Wag kang mag-alala, kakayanin ko. Dahil sa bawat araw-araw na magkasama tayo, gumigising ako nang may katabing ikaw. ‘Yung may ki-kiss sa akin, ‘yung may yayakap sa akin. Nu’ng bago mo ko iwan, ramdam na ramdam ko ‘yung yakap mo na mahigpit.
“‘Yun na pala ‘yung huli ko na mararamdaman sa ‘yo. Sobrang sakit. Pero alam ko sa sarili ko, kakayanin ko. Sana mabasa mo ito.
“Mag-iingat ka palagi, ‘wag mong kalimutan na magdasal. Mahal na mahal kita. Paalam…”
Ito ang mensahe ni Clyde para sa kanyang mahal na si Lars Pacheco.
Samantala, sa video na ibinahagi sa social media, inamin ni Clyde na napansin niya na malungkot na si Lars isang linggo bago ang breakup nila. Ngunit hindi niya nagawang itanong kung ano ang problema nito.
Nagpahayag din si Clyde ng reaksiyon nang malaman niyang nag-cheat si Lars nang hindi lang isang beses, kundi paulit-ulit pa hanggang naging tatlong beses.
Sey ni Clyde, “May nagawa ba akong mali para magawa n’ya ‘yun sa akin? Sobrang hirap tanggapin pero alam ko na makakayanan ko ‘to. Hindi man ngayon, pero alam ko, lilipas din ‘to.”
Nakiusap din si Clyde sa madlang pipol na huwag i-bash ang kanyang ex-dyowa.
Aniya, “‘Wag n’yo na i-bash si Lars kasi naawa ako, eh. Meron siguro s’yang dinadalang problema na hindi ko alam. ‘Wag na natin s’ya i-bash at mas magandang suportahan na lang natin s’ya sa mga kung anumang desisyon n’ya sa buhay ngayon kasi ganu’n na lang din ang gagawin ko.”
Kahit wasak na wasak na ang puso ni Clyde ay nagawa pa rin niyang magpasalamat sa lahat ng nagpakita ng suporta at pagdamay sa kanya matapos ang announcement ng breakup.
Nakaka-sad naman. Kanta na nga lang tayo ng pinasikat ng singer icon na si Imelda Papin na… “O, kaybilis ng iyong pagdating, pag-alis mo’y sadyang kaybilis din… Natulog akong ikaw ang kapiling, ngunit wala ka nang ako’y gumising…
“O, kaybilis ng iyong pagdating, pag-alis mo’y sadyang kaybilis din… Ang pagsinta mo na sadyang kaysarap… Sa isang iglap lang, nawala ring lahat…”
Pak, ganern!
3 yrs. old pa lang, artista na…
ICE, FAMAS CHILD ICON OF PHIL. CINEMA
PINARANGALAN ang multi-talented OPM singer na si Ice Seguerra bilang “FAMAS Child Icon of Philippine Cinema” sa 73rd FAMAS Awards na ginanap sa Manila Hotel noong August 22, 2025.
Nagbahagi ng pasasalamat ang mister ni Liza Dino-Seguerra sa kanyang social media.
Ani Ice, “Maraming salamat, FAMAS, for this incredible honor of being named a Child Icon of Philippine Cinema. To be recognized tonight at the historic Manila Hotel is truly humbling.
“I started this journey as a 3-year-old kid na ang gusto lang ay mag-perform. Hindi ko inakala na after all these years, I’d still be here doing what I love, learning, and being inspired by the people around me.
“This recognition is not just for me kundi para sa lahat ng child actors na nangangarap at para na rin sa lahat ng artists who continue to fight for their place. Para sa inyo ito.
“Maraming salamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta at nagmamahal.”
Congratulations, Ice! You deserve that! Boom na boom ka d’yan!
‘Yun lang and I thank you.