Pilay ang Gilas sa pag-alis nina Ramos, Ravena at Sotto
ni MC - @Sports | September 13, 2021

Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin na malaking dagok sa Gilas Pilipinas ang pagkawala ni Dwight Ramos na pumirma ng kontrata para maglaro sa Toyama Grouses sa Japan B-League para sa 2021-2022 season.
Pero ayon kay Baldwin, nangako naman si Ramos na maglalaro sa national team kahit pa nasa ibang bansa ito naglalaro. “He said that he’s been proud to represent Gilas and he will always be available in the future and that’s really encouraging,” ani Baldwin.
Ayon kay Baldwin, magiging problema umano para kay Ramos, dahil naglalaro ito sa Japan, ang gagawing paghahanda ng Gilas para sa continental qualifiers sa 2023 FIBA World Cup kung sasagupain ng bansa ang New Zealand, South Korea at India.
Problema rin umano para kay Ramos ang FIBA release clause nito sa Japanese club. Ang release clause ay ang pagpayag ng club na paglaruin ang isang manlalaro sa national team sa limitadong pagkakataon. “Whether we will see Dwight in a Gilas uniform again is dependent now upon preparation time. It’s the same for all professional players playing overseas,” wika ni Baldwin.
“If he has a FIBA release clause in the contract then he’s no different than Kai [Sotto] or Thirdy [Ravena] or Kiefer [Ravena] or Ray Parks or the Gomez de Liaño boys or, you know, a number of players.”
Napatunayan na ng Gilas na epektibo si Ramos bilang offensive weapon sa ipinakita nitong laro sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Clark. Unang naging import si Kai Sotto sa National Basketball League (NBL) ng Australia habang si Ravena ay kasama sa walong Pinoy na lalaro sa Japan B.League.





Comments