PhilHealth funds, ibalik sa taumbayan
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 19, 2025

Noong December 13, sa Bicameral Conference Committee meeting para sa panukalang 2026 national budget, muli nating idiniin ang mga problema na kinakaharap ng PhilHealth. Ang sitwasyon ng ahensya ay isang malinaw na "double whammy" o doble-parusa sa pasyenteng Pilipino: ang zero budget ng PhilHealth sa 2025 at ang P60 bilyong excess funds nito na inilipat sa national treasury noong 2024 ay sa 2026 pa maibabalik.
Bilang isang health reforms crusader, isa ito sa mga dahilan kaya hindi ako pumirma sa bicam report para sa 2025 budget. At para naman sa 2026 budget, nananawagan ako sa mga kapwa ko mambabatas na hanapan ng tugon ang double whammy na ito. Napakalaking pondo ang hindi napakinabangan ng napakaraming may sakit na Pilipino dahil dito.
Bilang Chairman ng Senate Health Committee noon, umabot sa 14 public hearings ang ating pinangunahan. Sulit pa rin naman ang ating pangungulit dahil sa ilang repormang ating ipinaglaban na ipinatupad ng PhilHealth. Pero noon pa man, sinabi ko nang hindi dapat nagkaroon ng excess funds ang PhilHealth kung ginamit nito nang wasto ang pondo, at agad na itinaas ang case rates at benefit package. Hindi rin sana na-zero budget ang ahensya.
Alinsunod sa General Appropriations Act of 2024, maaaring kunin at ilipat ng Executive Department (sa pamamagitan ng Department of Finance) ang excess funds ng ilang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC). Pero base naman sa Universal Healthcare Law, malinaw na tanging ang PhilHealth ang puwedeng gumamit ng pondo nito. Kaya sa simula palang, tinutulan na natin ang transfer ng PhilHealth funds – ang pera para sa health ay dapat gamitin sa health ng Pilipino!
Noon pa man, tinawag ko nang imoral ang paglipat sa pondo ng PhilHealth. At ngayon, ayon mismo sa Korte Suprema ay ilegal ang ginawang fund transfer. Ilang pasyente kaya ang natulungan nito? Ilang buhay kaya ang naisalba kung hindi inilipat ang pondo ng PhilHealth?
Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, patuloy nating ipaglalaban na maibalik ang pondo ng PhilHealth. Dapat malaman ng taumbayan kung saan at paano nila ginamit ang P60 bilyong excess funds.
Samantala, noong Disyembre 11, personal naming tinulungan ang 295 biktima ng sunog sa Caloocan City.
Noong nakaraang linggo, nagtungo rin sa mga komunidad ang ating Malasakit Team upang maghatid ng agarang tulong sa mga biktima ng sunog sa Cebu City, Navotas City at Caloocan City at sa mga biktima ng bagyo sa Nasipit, Agusan del Norte.
Nagbigay rin tayo ng karagdagang tulong para sa mga displaced workers sa Batad, Estancia, at Dueñas sa Iloilo; Loboc, Bohol; Pasig City; Cagayan de Oro City; at Lupon, Davao Oriental. Dumalo rin ang aming team sa turnover ceremony ng bagong Super Health Center sa Pikit, North Cotabato.
Bantayan natin ang budget process, bantayan natin kung paano nila ito gagamitin sa susunod na taon. I am one with the Filipinos in this fight and crusade against corruption.
Bilang Mr. Malasakit, magpapatuloy akong maglingkod sa aking kapwa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments