Pekeng mayor, paano nakapasok sa pulitika?
- BULGAR
- Jul 13, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 13, 2024

Pekeng apelyido, pekeng passport, pekeng pangalan, pekeng hanapbuhay. Bakit nagkaganoon ang istorya ng Bamban mayor? Siya lamang ba ang may kasalanan at paano siya nakapasok sa pulitika? Bakit kilalang-kilala siya ng mga pulitiko sa paligid ng Tarlac sa kabila ng kahina-hinalang pagkakakilanlan? Mabibili ba ang pangalan, ang passport, ang pagkakakilanlan? Magagawa bang mag-isa ng alkalde ng Bamban ang kanyang sariling passport na naglalaman ng mga impormasyon na hindi totoo? Malinaw na may kakuntiyaba ang mayor na ito sa Bureau of Immigration at sa iba’t iba pang sangay ng pamahalaan. Paano siya nakatakbong mayor ng Bamban? Dahil siguro sa kinilala (ina-credit) siya ng Comelec.
Sa kabilang banda, inalam ba ng Comelec kung pekeng Pinoy siya o hindi? Batid na natin ang malabong sagot ng Comelec na “ministerial” lang daw ang kanilang trabaho. Ang kanilang trabaho ay tumanggap ng mga aplikasyon ng mga kandidato at hindi suriin kung puwede o hinding tumakbo ang mga ito. Pero, bakit madali lang na nakapagdidiskuwalipika sila?
Ganito ang reklamo ng isang kaibigan kong pari: “Sobrang hina talaga ng ating mga ahensya. Napakadaling pekein ang anuman tulad ng kaso ng mayor ng Bamban. Ano pa nga ba ang hindi “peke” sa ating pamahalaan? Hindi lang naman ang mayor ng Bamban ang kailangang usisain kundi ang buong kapaligiran kung saan naganap ang mga pangyayari. Sino pang mga naging daan para maisagawa ang mga mali at tiwali? Ilang mga kawani kaya ng iba’t ibang ahensya ang sangkot sa problema?”
Hindi lang ang alkalde ng naturang lugar ang problema kundi ang sari-sari’t sapin-sapin na suliranin na unti-unting lumilitaw tulad ng pagkakasangkot nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at sa “human trafficking.” Kung lalalim pa ang imbestigasyon, tiyak na marami pang lilitaw na ebidensya na hindi lang laban sa nasabing mayor kundi sa marami pang iba at mga ahensyang masasangkot.
At lumalabas din ang pagkakadawit sa POGO ng mga dating tauhan ng dating pangulo. Isa na rito ang former press secretary ng former president na diumano’y lumapit kay Pagcor Chair Alejandro Tengco noong Hulyo 26, 2023.
Kung sangkot ang isang malapit na tauhan ng dating pangulo sa POGO, meron din kayang kaugnayan ito sa naturang problema?
Ilang POGO pa ang nakatago sa iba’t ibang sulok ng ating bansa? Ilang mga ahensya pa ang malalantad sa pagkakasangkot ng mga ito sa POGO? Ilang indibidwal hanggang sa matataas na opisyales ang dawit dito?
At habang lumalalim at lumalawak ang imbestigasyon sa mga ilegal na nagpapanggap na mamamayan, ganoon din ang nangyayari sa mga POGO at ang marami pang krimen na nagaganap sa loob ng mga compound at gusali nito.
Kasabay nito, ang lumalalim na imbestigasyon sa mga ginagawa ng mga Tsino sa loob ng bansa, at lumalala rin ang gawain ng mga barkong Tsino sa kanilang pagsakop sa West Philippine Sea.
Nagsimula ang problema noon pang panahon ng isang dating pangulo na nagtungo sa China upang makipag-usap sa isang korporasyon ng telco. Kung hindi hinarap ito ng malawakang reaksyon at protesta, hindi malayong nakapasok na sa ating bansa ang naturang telco. At mula noon hanggang maupo ang pinakahuling pangulo, unti-unting humina ang pagtatanggol natin sa ating bayan.
Sa nakaraang administrasyon nagsimulang magtayo ng mga istraktura sa WPS ang China. Panahon din ng nakaraang administrasyon na merong mga tila naganap na pribado at lihim na usapan na maaaring batayan ng matinding panggigipit ng China sa Pilipinas.
Pekeng mayor, POGO, pekeng mapa ng ‘9 Dash Line’ ay walang panalo sa tunay at matatag na pamahalaan. Pero, paano kung hindi tunay at matatag, at may pagkapeke ang marami nating ahensya at mga namumuno o kawaning nagpapatakbo nito? Paano nating gagamutin kung peke ang gobyerno?








Comments