top of page

Pekeng address na hindi man lang inalam?

  • BULGAR
  • Aug 31, 2021
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 31, 2021


Ilang beses na nating narinig si Pangulong Rodrigo Duterte na nagpahayag na pagod na siya, gusto na magbitiw, walang interes sa kapangyarihan at kung anu-ano pa (lahat ‘yan ay makikita naman sa internet), pero gayunman ay tatakbo pa rin siya sa 2022. At ang unang gagawin kapag manalo ay siya ang mag-audit sa COA.


Malinaw na pagbuwelta ito ni Pangulong Duterte sa Commission on Audit para sa lahat ng inilabas na ulat hinggil sa paggastos ng iba’t ibang ahensiya sa ilalim ng kanyang administrasyon na may pagkukulang at kuwestiyunableng gastusin. Inutusan na nga niya ang kanyang gabinete na huwag pansinin ang COA. Ngayong nag-iimbestiga na rin ang Senado sa napakamahal na pagbili ng gobyerno sa kagamitang panlaban sa COVID-19 at mula pa sa kumpanyang may ng pekeng address ng tanggapan. P8.7 bilyong piso ang nakuhang kontrata ng Pharmally Pharmaceuticals Inc. na may kapital na P625, 000 lamang. Pero napakalaki ng nakuhang kontrata? Hindi man lang inalam ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) kung saan ang kanilang tanggapan? Paano sila nakipag-egosasyon sa kumpanyang ‘to? Saan ipinadala ang mga dokumento kung peke ang tanggapan?


Lumalabas na rin ang miting ng dating kontrobersiyal na “economic adviser” na si Michael Yang at mga opisyal ng Pharmally kay Pangulong Duterte noong 2017. Wala pang pandemya noong pero ano naman kaya ang pinagpulungan? Nang maganap ang pandemya, ito na ang pagkakataon ng Pharmally na tumabo ng napakalaking kita. Nais malaman ng mga senador kung sino ang padrino ng kumpanyang ito at nakuha ang malaking kontrata. Pinagtutuunan ng pansin ng mga senador si dating PS-DBM chief and Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.


Dahil iniimbestigahan na ng Senado, nagpahayag si Pangulong Duterte na wala namang nangyayari sa mga imbestigasyon at pumupostura lamang ang mga senador. Ito ang tatak ng administrasyong ito. Ang Palasyo lang ang may lubos na kapangyarihan. Walang silbi ang Senado, walang silbi ang Kongreso, walang silbi ang Korte Suprema o COA o CHR maliban na lang kung sumusunod sa mga utos ng pangulo.


Tama lang na itaguyod ng Senado at COA ang kanilang tungkulin ayon sa Konstitusyon. Tama lang na umangal, tumutol ang mga senador sa pahayag ng pangulo. Hindi puwedeng Palasyo lang ang masusunod at wala nang magtatanong, wala nang mag-iimbestiga, wala nang audit-audit pa. Nasaan ang “checks and balance” sa gobyerno kung ang Palasyo lamang ang masusunod?


Mahigit isang taon na ang pandemya, mahigit isang taon na ang kalbaryong nararanasan ng bansa, inaasahan natin ang malinis na sistema. Sa panahon ngayon, gobyerno lamang ang inaasahan at sinasandalan ng mamamayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page