PBBM, ‘wag nang uulit sa mga sablay na statement sa SONA kung ayaw ma-bash

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 26, 2026

KAPAG MAY SABLAY NA STATEMENT SA SONA NI PBBM, ASAHAN NANG MABA-BASH ULI SIYA SA SOCIAL MEDIA – Bukas ay ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Kapag may mga sablay na naman sa kanyang SONA, asahan na niyang aani ito ng batikos mula sa mga netizen sa social media. Boom!
XXX
SUNUD-SUNOD NA NAMAN ANG BIGTIME OIL PRICE HIKE, DAPAT SUSPENDIHIN NA NI PBBM ANG VAT SA LANGIS AT OIL EXCISE TAX – May panibagong bigtime oil price hike na naman sa susunod na linggo. Tataas ng P6 kada litro ang diesel, P5.90 ang gasolina, at P4.30 ang kerosene.
Sa totoo lang, hindi na nakapagtataka ang sunud-sunod na taas-presyo ng langis dahil sa panibagong tensyon sa Middle East na kinasasangkutan ng Amerika at Iran. Gayunman, may hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang epekto nito sa mga nasa public transport sector at mga motorista—ang pansamantalang pagsuspinde sa value-added tax (VAT) at excise tax sa langis.
Kapag ipinasuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang dalawang buwis na ito, tiyak na malaking ginhawa ito para sa mamamayan. Period!
XXX
SA PAGLAGAPAK NG PISO KONTRA-DOLYAR, ASAHAN NA ANG KASUNOD NA PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN – Malaki ang ibinagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar dahil umabot na sa P61.84 ang palitan sa bawat $1.
Dahil dito, asahan ding tataas ang presyo ng mga bilihin at iba pang bayarin sa bansa, lalo na ang mga inaangkat na produkto. Naku po!
XXX
KUNG TOTOO ANG MGA ALEGASYON NI SEN. LACSON, MALAMANG AY BAKA MAKULONG NGA SI SEN. ALAN CAYETANO – Ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na, batay sa isinagawang pag-iimbestiga ng kanyang mga tauhan, natukoy na umano nila ang dalawang bagman ni Sen. Alan Cayetano na sangkot sa mga umano'y ghost projects sa Taguig City. Ayon pa kay Lacson, ang isa sa mga ito ay may rekord na P500 milyon na win-loss sa casino.
Kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyong ito, posibleng magkaroon ng katuparan ang pahayag ni Sen. Ping na nais niyang makulong si Sen. Alan. Abangan!




Comments