PBBM, patunayan na hindi pabida lang ang pangako sa kaso ni Romualdez
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 27, 2026

DAPAT APURAHIN NG OMBUDSMAN ANG PAGSASAMPA NG KASO KAY CONG. ROMUALDEZ – Isang buwan na ang nakalipas matapos ibida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, 2026 na inaasikaso na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso upang makulong ang pinsan niyang si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, na sangkot sa flood control scandal.
Hanggang ngayon, wala pa ring naisasampang kaso kaya hindi pa rin nakukulong ang dating House Speaker.
Dapat atasan ni PBBM si Ombudsman Boying Remulla na apurahin na ang pagsasampa ng kaso para makulong na si Cong. Romualdez. Kasi, hangga’t hindi ito nakakasuhan at nakukulong, natatanim sa isipan ng publiko na pabida lang ang pahayag ng Pangulo sa SONA laban sa kanyang pinsan. Boom!
XXX
BUKOD SA FLOOD CONTROL SCANDAL, DAPAT TUTUKAN DIN NG GOBYERNO ANG PAGMIMINA SA MGA BUNDOK – Wala pang pinal na kumpirmasyon kung ang nangyaring trahedya sa Nepal—ang pagragasa ng flash flood na ikinasawi ng maraming tao at pagkasira ng mga ari-arian—ay dulot ng pagbagsak ng mga namumuong yelo, pagkasira ng dam, o garapalang pagmimina sa mga kabundukan sa bansang ito.
Ang nais nating ipunto rito ay, bukod sa mga sangkot sa flood control scandal, dapat ding tutukan ng gobyerno ang ginagawa ng mga abusadong mining companies sa mga kabundukan sa bansa upang hindi mangyari sa Pilipinas ang trahedyang naganap sa Nepal. Period!
XXX
‘PAG SA FINDINGS NG COA IN-SCAM ANG CONFI FUNDS NG OVP AT DEPED, LAGOT SI VP SARA, PERO ‘PAG NAPATUNAYANG WALA, LAGOT ANG MGA CONG. KASI TIYAK RERESBAKAN SILA NG VP – Ang alegasyon ng House Prosecution Panel ay in-scam ni Vice President Sara Duterte ang P615 milyon confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), pero tugon dito ng defense team ni VP Sara, walang ninakaw sa kaban ng bayan ang bise presidente.
Dahil diyan, nanawagan si Sen. Migz Zubiri sa Commission on Audit (COA) na ilabas na ang resulta ng kanilang findings patungkol sa P615 milyong confidential funds para matuldukan na ang isyung ito.
Ika nga, kung in-scam ito, lagot si VP Sara. Pero kung mapatunayang walang in-scam ang bise presidente, lagot ang mga kongresistang lumagda pabor sa impeachment dahil, sigurado, kapag naging presidente ito (VP Sara), reresbakan sila nito. Boom!
XXX
PARA HINDI ISIPIN NG PUBLIKO NA PANG-PORK BARREL PROJECTS NG MGA BUWAYANG SEN. AT CONG. ANG IDINAGDAG NA P113B SA PONDO NG DPWH, DAPAT ISAPUBLIKO NG MALACAÑANG KUNG SAANG PROYEKTO ITO GAGAMITIN – Mula sa dating P530.90 bilyong budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong 2026, pumalo sa P643.95 bilyon ang budget ng departamento para sa 2027. Ibig sabihin, tumaas o nadagdagan ito ng P113.05 bilyon.
Dapat isapubliko ng Malacañang ang detalye ng nadagdag na P113.05 bilyon sa pondo ng DPWH para malaman ng taumbayan kung saan-saang proyekto ito gagamitin. Kung hindi ito isasapubliko, iisipin ng mamamayan na “insertions” na naman ito ng mga “buwayang” senador at kongresista para sa kanilang mga “pork barrel” projects. Period!





Comments