top of page

PBBM, ‘pag inaprub ang 2025 BSKE postponement, ipapahiya na naman ni Atty. Macalintal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG PINIRMAHAN NI PBBM ANG POSTPONEMENT NG BSKE 2025, LAGOT NA DAHIL IPAPAHIYA NA NAMAN SIYA NI ATTY. MACALINTAL -- Kinumpirma ni election lawyer, Atty. Romy Macalintal na nakahanda na ang kanyang petisyon sa Supreme Court (SC) bilang pangontra sakaling lagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang panukalang postponement ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2025.


Parang sinabi na rin ni Atty. Macalintal na ipapahiya na naman niya sa publiko ang Presidente na pumipirma ng mga panukala na labag sa Konstitusyon.


Unang ipinahiya ni Atty. Macalintal si PBBM nang lagdaan nito ang postponement ng BSKE 2022, kasi nang magsampa ng petisyon sa SC ang election lawyer ay kinatigan siya. Nagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang pinirmahan ng Pangulo na pagpapaliban ng anumang halalan sa ‘Pinas, kaya kung pipirmahan uli ni PBBM ang postponement ng BSKE 2025, lagot talaga siya sa

nabanggit na election lawyer, boom!


XXX


DATI HINAHANGAAN ANG SC PERO NGAYON NABABATIKOS NA -- Kung dati ay hinahangaan at papuri ang tinatamasa ng Supreme Court (SC) kapag may inilabas silang desisyon sa mga maseselang kaso na kanilang hinahawakan, ngayon, sa kasong kanilang hinawakan at napagdesisyunan ng majority justices na ipa-stop ang impeachment proceedings laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa kadahilanang lumabag daw sa 1-year bar rule ang Kamara sa pagsasampa sa Senado ng articles of impeachment at hindi pagbibigay ng due process sa bise presidente, ay talaga namang pinutakti sila ng batikos dito. 


Mababatikos talaga ang Korte Suprema sa isyung ito dahil dati hindi naman sila nakikialam sa mga impeachment proceedings dahil nga co-equal body ang SC at Kongreso, wala sa power nito (SC) na pakialaman at pigilan ang mandato ng Senado at Kamara na magsagawa ng paglilitis sa impeachable officer, pero sa kaso ni VP Sara, nakialam, period!


XXX


BAKIT DEDMA SI SP ESCUDERO SA RESOLUSYON NA I-OPEN SA PUBLIC ANG BICAMERAL BUDGET DELIBERATION? -- May mga senador na gumawa ng resolusyon para maging open na sa publiko ang yearly bicameral budget deliberation, pero ang head ng Senado na si Senate President Chiz Escudero ay dedma lang dito.


Dapat suportahan iyan ni Escudero dahil kung hindi niya gagawin ay pagdududahan na naman siya ng publiko na may plano siyang magsingit ng daan-daang bilyong pisong pork barrel sa 2026 national budget tulad ng nabulgar na higit P142.7 billion pork barrel na isiningit nila sa 2025 national budget, boom!


XXX


SA ILALIM NG MARCOS ADMIN DAMI PA RING MAHIHIRAP -- Sa latest survey ng Social Weather Station (SWS) ay lumabas na 49% pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap.


Hay naku, higit 3 taon na sa puwesto si PBBM, dami pa rin mahihirap na pamilyang Pinoy sa ilalim ng Marcos administration, tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page