PBBM, inendorso raw kasi kaya nanalo… NETIZEN KAY TONI: NAKAKATULOG KA PA NANG MAHIMBING SA MGA PROBLEMA NG ‘PINAS?

ni Beth Gelena @Bulgary | November 20, 2026

Photo: YT / Toni Talks
Sa dami ng mga problemang kinakaharap ngayon ng Pilipinas, nadamay pa rin sa usapan ng mga netizens ang pangalan ng aktres-vlogger na si Toni Gonzaga.
Sa isang social media post, may netizen na nagtanong kung kumusta na kaya ang TV host-actress sa gitna ng mga nangyayari sa bansa. Nakakatulog pa raw kaya ito nang mahimbing sa gabi?
Bagama’t personal na opinyon lamang ang naturang pahayag, naging mitsa ito ng panibagong diskusyon tungkol sa naging papel ni Toni noong panahon ng kampanya nina Vice-President (VP) Sara Duterte at President Bongbong Marcos at ang impluwensiya niya bilang isang kilalang personalidad.
May mga kumampi naman sa aktres at iginiit na hindi dapat sa kanya ibunton ang sisi sa naging resulta ng halalan.
Ayon sa isang netizen, hindi naman si Toni ang bumoto para sa mga Pilipino. Nagampanan lamang umano nito ang papel bilang endorser at tagasuporta. Kung tumanggap man siya ng bayad sa pangangampanya, karapatan niya iyon bilang isang propesyonal.
Nasa mga botante pa rin daw ang huling desisyon kung sino ang kanilang iboboto dahil walang sinumang maaaring pumilit sa kanila.
Dapat din umanong matuto ang mga Pilipino sa kanilang mga naging desisyon at maging mas mapanuri sa susunod na halalan.
Pero hindi lahat ay kumbinsido sa ganitong depensa.
Para sa ilang netizens, hindi man direktang bumoto si Toni para sa ibang tao, hindi rin naman maikakaila ang impluwensiya niya sa publiko. Bilang isang sikat na personalidad na sinusubaybayan ng maraming Pilipino, may bigat umano ang bawat suportang ipinapakita niya sa isang kandidato.
May nagtanong pa kung bakit tila tahimik na ngayon ang aktres, gayung naging aktibo siya noong panahon ng kampanya.
Para sa mga kritiko, may mga personalidad na may boses, kaalaman at impluwensiyang maaaring gamitin upang makapagbigay ng kamalayan sa publiko, pero pinili umano nilang suportahan ang mga kandidatong kinukuwestiyon ngayon.
Samantala, may isa pang komento ang nag-ugnay sa naging suporta ni Toni sa pulitika sa usapin ng kanyang career sa telebisyon.
Giit nito, kung hindi dapat sisihin si Toni sa naging resulta ng halalan dahil malaya ang bawat botante, hindi rin dapat sisihin ang mga television networks sa kanilang desisyong kanselahin o huwag nang bigyan ng proyekto ang isang personalidad.
Sa puntong ito, hindi na lamang simpleng pagkumusta kay Toni ang pinag-uusapan kundi ang mas malaking tanong – hanggang saan ba ang responsibilidad ng mga sikat na personalidad sa paggamit ng kanilang impluwensiya sa pulitika?
After 23 yrs. mula nang unang ikasal…
MISTER NI DIMPLES, NAG-PROPOSE ULI SA PARIS
HINDI pala natatapos sa unang beses ng pagpapakasal ang tunay na nagmamahalan.
Muling pinatunayan ito ng aktres-host na si Dimples Romana at ng kanyang mister na si Boyet Ahmee. Sa kabila ng 23 taong pagsasama, nananatiling buhay ang romansa at kilig sa kanilang relasyon.
Isang napakaespesyal na sorpresa ang inihanda ni Boyet para sa kanyang misis nang muli niya itong alukin ng kasal sa romantikong lugar na Paris, France, sa harap ng Eiffel Tower.
Sa kanilang pinagsamang Instagram (IG) post, ibinahagi ng mag-asawa ang ilang tagpo ng nakakakilig na proposal.
Makikitang nagsasayaw muna ang dalawa sa lansangan ng Paris bago lumuhod si Boyet sa harap ni Dimples para muling iparamdam ang kanyang pagmamahal at paninindigang makasama ito habambuhay.
“Will you spend forever with me this time again?” nakakakilig na tanong ni Boyet kay Dimples.
Walang pag-aalinlangang sumagot ang aktres-host ng “YES!” habang isinusuot ng mister ang singsing sa kanyang daliri.
Lalong nakakaantig ang mensahe ni Boyet sa kanyang IG caption, kung saan ipinaalala niya na ang forever ay hindi lamang pangakong binibitawan sa araw ng kasal kundi isang desisyong pinipili araw-araw.
Mensahe nito (as is), “Twenty-three years ago, I promised you forever, Myluv. Today in the city of love, I wanted to remind you that forever isn’t just a promise we made once. It’s a choice we make every day.
“And if I could live this life all over again, I’d still choose you. In every lifetime. In every adventure. Still you. Always you.”
Hindi rin nagpahuli si Dimples sa pagpapahayag ng kanyang kasiyahan. Inamin pa ng aktres na ang muling proposal ng kanyang mister ang isa sa mga paborito niyang sandali sa kanilang buhay.
May tatlo nang anak ang mag-asawa — sina Callie, Alonzo at Elio.
Sa kabila ng mahabang panahon nilang pagsasama, nakakakilig isipin na maaari pa ring piliin ang isang tao araw-araw. At sa pagkakataong ito, sa gitna pa mismo ng Paris, muling pinatunayan ni Boyet na si Dimples pa rin ang kanyang pipiliin.





Comments