top of page
Toni Talks - Bongbong Marcos Interview.jpg

Huling nagse-cellphone at nagsasayaw habang nagda-drive… CAI, INAKO ANG MALI, TODO-SORRY AT HANDANG MAKIPAGTULUNGAN SA LTO

Writer: BULGAR
BULGAR
33 minutes ago
3 min read

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 20, 2026



Cai Cortez - Circulated

Photo Cai Cortez - Circulated



Inamin ng aktres-pulitiko na si Cai Cortez, anak ng veteran actor na si Rez Cortez, ang kanyang pagkakamali at humingi ng paumanhin matapos mag-viral ang video niya na sumasayaw at nagse-cellphone habang nagmamaneho.


Sa kanyang social media post, naglabas si Cai ng official statement kung saan kinilala niya ang pagkakamali at sinabing handa siyang makipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng insidente.


Pahayag ni Cai, “Nauunawaan ko po ang mga naging puna at kritisismo kaugnay ng video na nai-post nu’ng February 2026 at muling kumakalat ngayon.


“Kinikilala ko pong mali at ‘di ligtas ang nangyari. Walang dahilan upang isantabi ang kaligtasan sa kalsada, at buong puso po akong humihingi ng paumanhin.

“Inaako ko ang responsibilidad sa naging pagkakamali.


“Bagama’t wala pa po akong personal na natatanggap na opisyal na abiso mula sa Land Transportation Office (LTO) sa ngayon, handa po akong makipagtulungan at sumunod sa mga kaukulang proseso ng ahensya.


“Bilang isang lingkod-bayan, kinikilala ko ang mas mataas na antas ng pananagutan na kaakibat ng aking posisyon. Nauunawaan ko ang pagkadismaya ng publiko at ang kahalagahan ng pagiging maingat at responsable sa aking mga kilos.


“Muli, humihingi po ako ng paumanhin sa lahat, lalo na sa aking mga kababayan sa Taytay, sa aking pamilya at mahal sa buhay. Itong pagkakataong ito ay ituturing kong mahalagang pagkakataon upang matuto at mapaigting ang kamalayan para sa kaligtasan ng lahat.”


Anyway, aminin man o hindi, lahat naman tayo ay nagkakamali. Ang mahalaga ay marunong tayong umamin sa pagkakamali at humingi ng tawad. ‘Di ba naman, madlang people?





HINDI nakadalo sa isinagawang press conference para sa nalalapit na Ala E! Festival ang multi-awarded actress at nag-iisang Star for All Seasons na si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto dahil sa hindi magandang pakiramdam.


Idinaos ang presscon sa Information Center Building sa Kapitolyo ng Batangas City bilang bahagi ng paghahanda sa taunang selebrasyon na gaganapin mula Disyembre 1 hanggang 8, 2026, kasabay ng ika-445 Founding Anniversary ng lungsod.


Ipinaliwanag naman ni Provincial Administrator Atty. Joel L. Montealto na marami ang inaasikasong programa ni Gov. Vilma, bukod pa sa pagbisita nito sa iba’t ibang lugar sa Batangas para sa kanyang serbisyo publiko. Dahil dito, hindi na umano naiwasang mapagod ang gobernadora, na naging dahilan ng pagsama ng kanyang pakiramdam.


Samantala, inaasahang magiging masaya at makabuluhan ang walong araw na pagdiriwang na dadaluhan hindi lamang ng mga Batangueño kundi maging ng mga bisitang magmumula sa iba’t ibang lugar.


Bitbit ang temang ‘All Here. So Near’, maghahandog ang Ala E! Festival ng iba’t ibang aktibidad na magtatampok sa kultura, tradisyon, talento at mga produktong ipinagmamalaki ng lalawigan ng Batangas.


Magsisimula ang selebrasyon sa Disyembre 1 sa pamamagitan ng Opening Mass sa Basilica, na susundan ng Opening Program sa People’s Quadrangle, ribbon-cutting ceremony ng Trade Fair and Food Fest sa City Hall at Plaza Mabini, at MBA-VSR Awards and Other Recognitions sa BCCC.


Sa Disyembre 2, nakatakda ang Unity Walk kasama ang mga opisyal at empleyado ng lungsod, Zumba at Medical Services. Samantala, tampok naman sa Disyembre 3 ang Fluvial Procession ng Sto. Niño ng Batangan, Parade of Cultural Icons at Concelebrated Mass sa Basilica.


Magkakaroon ng Car Meet at Battle of the Bands sa SM City Batangas sa Disyembre 4, habang tampok sa Disyembre 5 ang Habing Ibaan Fashion Show at VSR Battle of the Champions.


Sa Disyembre 7 naman, mapapanood ang Isang Ilog, Isang Probinsya: Magkatuwang Tayo One Act Play Competition sa BCCC, na susundan ng Batangas City Employees’ Night and Christmas Show sa Plaza Mabini.


Magtatapos ang selebrasyon sa Disyembre 8 sa pamamagitan ng Street Dance Competition mula Batangas Provincial Capitol hanggang Plaza Mabini at Court Dance Competition sa City Coliseum.


Sa kabuuan, inaasahang magiging makulay ang pagdiriwang ng ika-445 Founding Anniversary ng Batangas City. Bukod sa iba’t ibang aktibidad, layunin din ng selebrasyon na maipakita ang mayamang kultura at tradisyon ng Batangas at mas mapalapit ang mga Batangueño sa isa’t isa.


Isa lang ang masasabi ni yours truly sa mga Batangueño… Ala E! Kasuwerte naman ninyo dahil kasama ninyo ang workaholic na Governor Vilma Santos-Recto!





Sa Singapore pa…

COCO KAY NIKKO: MAGING PROUD KA AT NAIPAGAMOT MO ANG MISIS MO



MAY magandang payo ang aktor na si Coco Martin para sa kapwa aktor na si Nikko Natividad noong ipinagamot niya ang kanyang misis sa Singapore.


Ani Nikko, “Payo sa ‘kin ni Direk Coco, ‘Hangga’t kayang gawan ng paraan ng pera, magpasalamat ka. Kasi may mga problema na ‘di na kaya ng pera. “‘Nakapagbayad ka, naipagamot mo ang asawa mo, maging proud ka, maging happy ka kasi kikitain at kikitain mo ang pera.’”


Maraming netizens ang nag-agree sa sinabi ni Coco. Mas mahalaga nga naman ang buhay kesa sa pera.


‘Yun lang, and I thank you.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page