PBA, may problema kay Parks, nasa La Union, wala sa U.S.

ni MC - @Sports | March 10, 2021

Iaakyat ng Talk ’N Text management sa PBA Commissioner’s Office at Board of Governors ang problema kaugnay kay Bobby Ray Parks Jr.
Matatandaang nagdesisyon ang Tropang Giga forward na si Parks na hindi maglalaro sa PBA Season 46 para umano harapin ang problemang pamilya. Pero, hindi ito pinaniwalaan ng TNT management kung saan naglabas pa si PLDT Chairman Manny V. Pangilinan sa kanyang social media ng litrato at kinukuwestiyon nito kung may problema ba talagang pinagdaraanan si Parks.
Base sa litratong inilabas ni Pangilinan, makikitang nasa isang beach si Park sa La Union na tila wala umanong iniindang problema. Bukod sa litrato, may lumabas ding video si Parks na nagsasanay sa San Juan, La Union kasama si 2019 Southeast Asian Games gold medalist surfer Roger Casugay.
Sinabi ni PBA board chairman Ricky Vargas, hindi umano magandang gawain para sa isang professional na manlalaro na basta-basta na lamang naglalabas ng statement kung gugustuhin ng mga ito dahil malaki ang epekto nito sa bawat koponan.
Ayon pa kay Vargas, nais nitong magkaroon ng linaw kung ano ang dapat gawin o maaaring maging hakbang ng liga sa mga isyung tulad nito. Sinubukan pang makipag-usap ni Vargas kay Parks at nagpadala ito ng text message subalit hindi sumagot ang dating National University standout.
Hindi umano problema sa pamunuan ng TNT kung totoo at balido ang rason ni Parks na problema sa pamilya pero, ikinagulat umano ni Vargas nang malaman na wala naman ito sa Amerika para makasama ang pamilya kundi nasa La Union ito. Inaasahang malaking problema ang kakaharapin ni Parks at maaari itong ma-ban sa PBA sakaling simulan na ng Board of Governors kasama ang pamunuan ng PBA ang pagtalakay sa isyu.





Comments