Patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na may diabetes

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 27, 2021
Mabilis na tumataas ang bilang ng mga nasasawi dahil sa kaso ng diabetes na napakabilis nang pagtaas ng bilang dahil sa kapabayaan at estilo ng pamumuhay ng marami sa ating mga kababayan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng International Diabetes Federation (IDF) ang mabilis na paglaganap ng diabetes sa mga Pinoy na nasa tamang edad ay tinatayang nasa 6.3% at patuloy pa sa pagtaas.
Ibig sabihin, sa kabuuang 63 milyong nasa tamang edad na Pilipino ay apat na milyon sa mga ito ang may diabetes hindi pa kabilang ang mga mas bata at ‘yung mga pre-diabetes na.
Nakaaalarma rin ang ulat ng World Health Organization (WHO) na 6% ng kabuuang namamatay sa ating bansa ay diabetes ang dahilan at ang lahat ng ito ay dahil sa kakulangan lamang ng kaalaman at hindi mapigil na pagbigat ng timbang.
Ngunit sa kasalukyan ayon sa ilang eksperto ay halos nasa sampung porsiyento na ang diabetic o pre-diabetic sa buong bansa at kung hindi umano magbabago ang estilo ng pamumuhay ng marami nating kababayan ay patuloy pa itong tataas.
May ilan tayong kababayan na sadyang minana ang sakit na ito sa kanilang mga kaanak ngunit mas marami ang nagkaroon lamang ng diabetes dahil sa maling pagkain at kawalan ng ehersisyo.
Kayang-kaya iwasan ang sakit na ito kung ang lahat ng Pinoy ay magkakaroon lamang sapat na kaalaman hinggil dito at maiiwasan ang bilang ng napuputulan ng paa o namamatay.
Ang hyperglycemia ay sinisira ang ating tissue at ilang organ sa katawan at kapag hindi agad naagapan ang mga sintomas nito ay maaari itong magtuloy sa Type 2 diabetes.
Ngayon kung ang Type 2 diabetes ay atin pa ring babalewalain ay unti-unti na itong lalala at maaaring magdulot na ng mga komplikasyon tulad ng cardiovascular disease, pagkabulag, kidney failure, stroke o pagkaputol ng hita.
Pero alam n’yo ba na kung babantayan n’yo lamang ang inyong lifestyle ay hindi kayo magkakaroon ng diabetes dahil karamihan sa mga nagkaroon nito ay masyado lamang inabuso ang kanilang pamumuhay.
Napakasimple lang naman ng dapat gawin upang makaiwas sa diabetes dahil ang kailangan lang ay ang malusog na pamumuhay at pag-iwas sa sobrang matatamis hangga’t bata pa.
Maging ang mga kababayan nating nakumpirma nang may Type 2 diabetes ay hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil maaari pa ring gumanda ang inyong kalusugan kung pipiliin lamang ninyo ang inyong kakainin.
Kaya lang ang sinasabi natin, doon sa mga kababayan nating wala pa talagang diabetes, hindi imposible na habang kayo ay nagkakaedad ay tumaas ang inyong blood sugar level kaya dapat ay binabantayan ito para hindi tumaas.
Napakalaki na kasi ng magiging pagbabago kung ngayon pa lamang ay kain kayo nang kain ng matatamis dahil ‘pag nagkaroon kayo ng Type 2 diabetes ay biglang puro walang timpla na ang inyong kakainin.
Kumbaga mababawasan ang saya ng dati ninyong buhay na dati-rati lahat ng kilalang restaurant ay inyong nakakainan at lahat ng handaan ay maaari kayong makipagsabayan ngunit ngayong may Type 2 diabetes na ay hindi na.
Ang Type 1 diabetes naman ay ang hindi maayos na paggana ng pancreas na magbuo insulin at minsan kahit bata pa ay mayroon na kaya nauubliga na silang magturok ng insulin.
Hindi tulad ng Type 2 diabetes na maaari talagang iwasan kung sa simula pa lamang ay magkakaroon na ng disiplina ang bawat isa lalo na ‘yung medyo nagkakaedad na.
Marami sa ating mga kababayan ang walang pakialam basta masarap lang ang buhay tulad ng mga mahilig uminom ng alak na kahit buong magdamag ay hindi tumitigil kasabay ng masasarap na pulutan.
Marami rin ang mahihilig sa cake, ice cream, at ibang matatamis na kung kumain ay parang wala nang bukas at hindi nila alintana na pagdating ng panahon ay magdudulot ito ng grabeng kalungkutan.
Kaya natin naisulat ang artikulong ito dahil sa napakarami nang dahilan ng maaga pagkamatay ng ating mga kababayan at sa gitna ng pandemyang ito ay marami sa atin ang nasa bahay lang at walang ginagawa.
Isa rin sa dahilan nang pagkakaroon ng Type 2 diabetes ang kawalan ng ehersisyo kaya ipinapaalala natin na hindi talaga mabuti ang hindi gumagalaw kahit lakad-lakad man lamang.
Sabi nga nila, daig natin ang mayaman kung malusog tayong tatanda, pero kung kain lang tayo nang kain ng walang pakialam ay isa tayo sa pinakamalungkot na matanda kung tatanda pa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments