Patuloy na pag-iingat sa kabila ng banta ng pandemya para sa ligtas na Pasko para sa lahat
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 18, 2021
Dahil nag-withdraw na ang inyong lingkod sa kandidatura sa pagka-Pangulo, mas tututukan natin lalo ang trabaho at serbisyo. Mahirap man ang desisyong ito, wala tayong ibang hangarin kundi ang kapakanan ng ating kapwa at ang ikabubuti ng ating bansa.
Nasa taumbayan na ang desisyon kung sino sa tingin nila ang karapat-dapat na mamuno sa susunod na administrasyon at tunay na may magandang hangarin para sa kapwa Pilipino. Ang mahalaga ay sino talaga ang makapagpapatuloy ng magagandang pagbabago at programa na sinimulan ng administrasyong Duterte, tulad ng ‘Build, Build, Build’; Malasakit Centers; kampanya kontra ilegal na droga, kriminalidad at korupsiyon; at pagpapalakas sa COVID-19 response and recovery efforts ng gobyerno.
Tulad ng palagi nating sinasabi, may tamang panahon para sa lahat. Sa ngayon, ang importante ay trabaho muna, magampanan ang ating tungkulin. Magkaisa tayo para tuluyang malampasan ang pandemya at mabigyan ng mas maayos at ligtas na kinabukasan ang buong sambayanan, lalo na’t magpa-Pasko na.
Bago magsimula ang Bagong Taon at ang kampanya para sa susunod na eleksiyon, siguraduhin muna nating walang maiiwan sa muling pag-ahon sa krisis. Bakuna muna bago pulitika. Unahin natin ang laban sa pandemya dahil kung hindi natin ito malalampasan ay marahil wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa.
Nakababahala ang balitang may Omicron variant ng COVID-19 na sa ating bansa. Ngunit huwag tayong mag-panic dahil malayo na ang narating natin upang labanan ang sakit na ito. Malaki ang tiwala natin na kayang-kaya nating maiwasan ang lalong pagkalat nito sa ating komunidad kung magtutulungan at magmamalasakit tayo sa isa’t isa.
Tulad ng sinabi natin noon pa, ‘wag talaga tayong magpakakumpiyansa habang nand’yan pa ang banta ng COVID-19. Delikado pa talaga. Kailangang patuloy lang tayong maging alerto at sumunod sa mga itinakdang health protocols, tulad ng pagsusuot ng facemask at pag-oobserba sa social distancing, palaging paghuhugas ng mga kamay at pananatili sa bahay kung hindi naman kinakailangang lumabas.
Kaunting tiis lang muna tayo hanggang sa tuluyang makamit natin ang population protection leading to herd immunity para makabalik tayo sa normal na pamumuhay.
Ayaw nating masayang ang mga sakripisyo natin sa halos dalawang taon.
Sa mga government officials at health experts, pag-aralan dapat nang mabuti ang mga hakbang na ating ginagawa. Balansehin natin ang muling pagpapalakas ng ekonomiya at ang pagprotekta sa bawat buhay ng mga Pilipino. Tandaan, ang ating patuloy na pakikipagbayanihan ay nakapagliligtas ng buhay ng ating kapwa. Ito ang pinakamagandang regalo na maibibigay natin sa ating mga mahal sa buhay — ang mas ligtas at maginhawang Pasko at Bagong Taon.
Kung kaya’t hindi pa rin kami humihinto sa pagtulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Sa linggong ito lamang, nakapagbigay tayo ng tulong sa mga pamilya mula sa iba’t ibang uri ng sektor ng lipunan na apektado ng pandemya.
Napakahalaga ng sektor ng agrikultura para muling makabangon ang ating bansa. Kaya naman, nagpadala ang aking opisina ng tulong sa 7,000 na mga magsasaka sa Tantangan, Koronadal City, Lake Sebu, Banga, Sto. Niño at Surallah, South Cotabato, mga bayan sa Midsayap at Matalam sa North Cotabato; 778 sa Lebak at Kalamansig, Sultan Kudarat; 3,000 sa Veruela, Sta. Josefa at Trento sa Agusan del Sur; at 139 sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Natulungan din ang 1,000 indibidwal sa Candoni, Negros Occidental; 3,000 na residente sa Leyte, Jaro, Carigara, Barugo, Tunga, at Merida sa probinsya ng Leyte; 200 pamilya sa Bgy. Ligaya, General Santos City; 1,900 pamilya sa Lucban, Quezon; 1,168 pamilya sa Tago, Surigao del Sur; 2,000 na mga senior citizens at PWDs sa Calumpit at Meycauayan, Bulacan; 666 pamilya at senior citizens sa Bacoor, Cavite; 1,000 residente sa Tangub, Misamis Occidental; halos 1,500 na residente sa Davao City; halos 100 sa Tagum City, Sto. Tomas, Carmen, at Panabo City sa Davao del Norte; 700 residente sa Maitum at Kiamba sa Sarangani; 1,207 na mga pastor sa Iligan City, Lanao del Norte; at nasa 130 COVID-19 survivors sa Lutayan, Sultan Kudarat.
May ipinadala rin kaming ayuda sa mga naging biktima ng sunog, bagyo at baha kamakailan tulad ng tatlong pamilya sa Daanbantayan, Cebu; 17 sa Bgy. Cupang, Muntinlupa City; 77 sa Parañaque City; 50 sa Caloocan City; 253 sa Cagayan de Oro; 3,151 sa Opol at El Salvador sa Misamis Oriental; at 1,932 na mga biktima ng bagyo sa Madridejos, Bantayan Island.
May mga pamilya ring pilit bumabangon matapos mawalan ng kabuhayan, kaya sa pakikipagtulungan sa ibang ahensiya at tanggapan ng gobyerno ay nabigyan din ng tulong ang 3,333 market vendors, estudyante at indigent families sa Balin, Zambales; 100 na mga benepisaryo sa DSWD Central Office, Quezon City; mahigit 300 indibidwal sa Cauayan, Negros Occidental; 1,600 na mga indigenous people sa Sta. Ignacia, Tarlac; 3,000 na entertainment sector employees, gym staff, restaurant employees, small micro-entrepreneurs sa Dipolog City, Zamboanga del Norte. Maging ang mga ilang empleyado sa Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City ay binisita rin natin para bigyang-tulong bago ang Kapaskuhan.
Kaya naman, sa pagdating ng Bagong Taon, tayo ay magpursige patungo sa mas mabuti at maunlad na kinabukasan ng bawat Pilipino. Bilang inyong Kuya Bong, ipinapangako nating magsisikap tayo upang maglingkod para sa inyong lahat sa anumang kapasidad hanggang tayo ay makaahon sa ating mga suliranin na hinaharap.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments