top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Patuloy ang serbisyong totoo, tapat at nararapat

BULGAR
Oct 6, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 6, 2021


Nitong nakaraang Sabado, October 2, 2021 ay inihain nating ang kandidatura para sa VP sa darating na halalan. Nag-anunsiyo rin si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang pagreretiro sa pulitika. Sabi nga ng Pangulo, konting panahon na lang at matatapos na ang kanyang termino. Makapagpapahinga na raw siya at excited na rin siya na maging ordinaryong mamamayan pagkatapos ng ilang dekadang pagseserbisyo.


Gayunman, makakaasa kayong patuloy pa rin ang serbisyong totoo, tapat at nararapat mula sa inyong lingkod na walang ibang bisyo kundi ang magserbisyo! Sa tulong ninyong lahat, nais nating maipagpatuloy ang mga magagandang programa at mga makabuluhang pagbabago na sinimulan ni Pangulong Duterte.


Ito ang continuity na inaasam nating lahat. Ipagpapatuloy natin ang kampanya laban sa korupsiyon, kriminalidad, at ilegal na droga. Ang taumbayan na ang humusga kung mas ligtas ba ngayon ang mga anak nila at walang pangamba dahil sa mga kriminal at adik. Hindi dapat masayang ang mga nasimulang ito upang lalong maproteksiyunan ang buhay at kinabukasan ng ating mga anak.


Ipagpapatuloy din natin ang mga magagandang programa tulad ng libreng edukasyon, libreng pagpapagamot tulad ng serbisyo mula sa Malasakit Centers, Build Build Build Projects at marami pang iba tungo sa ating hangarin na mabigyan ng mas maginhawa at komportableng buhay ang mga Pilipino.


Kung palarin man tayo ayon sa kagustuhan ng Diyos at ng taumbayan, asahan ninyo tayo ay magiging “Working Vice-President.” Magtatrabaho hindi lamang sa salita, ngunit pati na rin sa ating gawa.


Pero sa ngayon, ayaw muna nating pag-usapan pa ang pulitika. Tutukan muna natin ang pag-ahon mula sa pandemya.


Sikapin nating maibalik ang sigla ng ekonomiya, bigyan natin ng trabaho ang mga nawalan ng kabuhayan, at siguraduhin nating walang magugutom. Higit sa lahat, huwag nating pabayaan ang mga mahihirap. Bawat buhay ay pinahahalagahan natin, lalo na ‘yung mga walang ibang matakbuhan. Sila ang prayoridad natin, kapakanan nila ang ipinaglalaban natin!


Bilang chair ng Senate Committee on Health, masaya nating ibalita na hanggang Oktubre 3, meron ng 46.38 milyong Pilipino ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19 na kung saan 24.58 milyon ang nakakuha ng unang dose at 21.8 milyon naman ang nakakumpleto na.


Binuksan na rin ang pagbabakuna sa general population at sa susunod na mga araw ay babakunahan na rin ang mga menor-de-edad ayon sa patakaran na ibinigay ng mga health experts.


Kahit may krisis, sinusolusyunan din natin ang hirap at gutom dahil importante na maalagaan ang tiyan ng bawat Pilipino. Sinisiguro rin nating nakakakuha ng mabilis, maayos at abot-kayang serbisyo, lalo na sa pangkalusugan para matuldukan na ang krisis na ating hinaharap.


Palagi nga nating paalala sa ating mga kasamahan: bakuna muna bago pulitika! Unahin muna natin ang tungkulin natin sa bayan bago ang halalan.


Hindi natin ugaling mangako. Pero makakaasa kayong hindi natin sasayangin ang mga nasimulang mga programa at sisikapin pa nating dagdagan at palawakin pa ang mga ito. Sama-sama nating iparamdam sa bawat sulok ng bansa ang magagandang nagawa at patuloy na ginagawa ng administrasyong ito.


Walang masasayang na oras o minuto dahil ang gobyerno ninyo ay walang tigil na nagtatrabaho para sa kapakanan ng mga Pilipino upang walang maiiwan sa muling pagbangon ng bansa tungo sa pagbalik natin sa normal na pamumuhay.


Tulad ng palaging bilin ni Pangulong Duterte sa akin: “Unahin mo ang kapakanan ng mga Pilipino at mahalin natin ang ating kapwa, hinding-hindi ka magkakamali.”



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page