top of page

Pasko ng pag-asa sa gitna ng kasakiman at kamatayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 21, 2025



Fr. Robert Reyes


Ilang araw na lamang at Pasko na. Apat na buwang hinintay ang masaya at banal na araw na ito—malapit na itong dumating at mabilis ding lilipas. Marami ang nagtatanong, lalo na ang mga dayuhan: bakit ganu'n na lamang ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa Pasko? Bakit napakaaga at napakatagal ng ating pagdiriwang?


Sa unang tingin, hindi na kataka-takang lubos nating ipagdiwang ang Pasko—ang pinakamasayang araw ng taon. Una, karamihan sa atin ay mga Kristiyano na nagbibigay-halaga sa misteryo ng kaligtasan na nagsisimula sa maluwalhati at masayang kapanganakan ni Hesukristo, ang Anak ng Diyos.


Ikalawa, malalim na bahagi ng ating pagkatao at kamalayan ang misteryo at hiwaga ng Krus. Sinabi ni Kristo: “Kung nais mong sumunod sa akin, pasanin mo ang iyong krus” (Marcos 8:34). At ikatlo, may matibay tayong pagtitiwala at pag-asa na kung pinagtagumpayan ni Kristo hindi lamang ang kasalanan kundi pati ang kamatayan, tutulungan din Niya tayong pagtagumpayan ang ating mga kahinaan at mabibigat na suliranin sa buhay.


Noong nakaraang Sabado, sa Misa ng alas-4 ng madaling-araw, naibahagi natin ang malalim na mensahe ng Pasko bilang misteryo ng pagdaloy ng buhay at pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Sa pagbasa ng Ebanghelyo sa ikalimang araw ng Misa de Gallo, napakinggan natin ang kuwento ng pagdalaw ng anghel sa Birheng Maria.


Binati ng anghel si Maria: “Aba Ginoong Maria, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat. Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at Hesus ang ipapangalan mo sa Kanya.” Natakot si Maria at nagtanong, “Paano mangyayari ito gayung wala akong nakikilalang lalaki?” Sumagot ang anghel: “Huwag kang matakot. Lilikha sa iyo ang Espiritu ng Diyos at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang ipanganganak mo ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. Ang iyong pinsang si Isabel, na baog at may edad na, ay nasa ikaanim na buwan na. Walang imposible sa Diyos.” At sumagot si Maria: “Ako ang alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong salita.” (Lukas 1:26–38)


Hindi lamang tayo naniniwala sa mga bagay na posible; naniniwala at umaasa tayo kahit sa mga inaakala nating imposible. Dahil sa kabutihan at pagmamahal ng Diyos, ang imposible ay nagiging posible. Ito ang diwa ng Pasko. Sa kabila ng lahat ng ating pinagdaraanan, mahigpit tayong kumakapit sa pananampalataya at pag-asa sa Diyos na naging tao tulad natin. Niya ring niyakap ang ating abang kalagayan at ganap na nakikiisa sa atin. Tinutulungan Niya tayong pasanin ang ating krus at tinuturuan Niya tayong pasanin ito nang may galak at pananagutan.


Sa panahong ito, lumutang ang magkaibang kuwento ng buhay ng ilang Pilipino. Kamakailan, nabalitaan ang mahiwagang pagkamatay ng DPWH Undersecretary na si Cathy Cabral, na natagpuan sa isang bangin sa bahagi ng Kennon Road. Muling binalikan ng publiko ang malalim niyang kaugnayan sa iskandalo ng bilyon-bilyong pisong sangkot sa tinaguriang “ghost flood control projects.” Marami umano siyang nalalaman at pinangangambahan ang pagkakadawit ng ilang matataas na opisyal ng bansa. Kaya’t paulit-ulit ang tanong sa social media: “Nahulog ba, nagpakamatay, o pinatay si Cabral?” Nakapanghihina ng loob ang trahedya ng kanyang buhay.


Kasabay nito, bumalik sa alaala ang kahalintulad na pagkamatay ng dalawang lalaki: si Ted Borlongan, dating presidente ng Urban Bank, na nagpakamatay sa puntod ng kanyang mga magulang noong Abril 11, 2005; at si General Angelo Reyes, dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, na nagpakamatay rin sa puntod ng kanyang mga magulang noong Pebrero 8, 2011. Sa kanilang kaso, malinaw ang mga pangyayari sa likod ng kanilang pagpapakamatay—si Borlongan sa gitna ng kanyang pakikipaglaban para sa katotohanan sa pagkasara ng Urban Bank, at si Reyes matapos mabunyag ang umano’y P50 milyong “pabaon” na ibinigay sa kanya noong panahon ng administrasyong Arroyo.


Malayo sa buhay ni Maria ang naging landas ng buhay nina Cabral, Borlongan, at Reyes. Sa halip na hayaan ang buhay at biyaya ng Diyos na dumaloy sa kanilang pagkatao, kabaligtaran ang nangyari. Gayunman, may mga kuwento rin ng pag-asa at tagumpay. Kamakailan, sa laban ng Philippine Women’s Football Team kontra Vietnam, nasalo ni Olivia McDaniel ang sipa ni Tran Thi Thu patungo sa goal. Dahil dito, nagwagi ang Pilipinas ng kauna-unahang ginto o kampeonato sa SEA Women’s Football Championship 2025.


Balikan natin ang tema ng Simbang Gabi sa aming parokya: “Ang kalikasan ay daluyan ng buhay at pagpapala ng Diyos.” Si Inang Kalikasan, tulad ni Maria, ay daluyan ng buhay at biyaya ng Diyos.


Habang nagtatapos ang taon, patuloy tayong dinadalaw ng mga nakakagalit at nakalulungkot na balita ng bilyun-bilyong pisong ninanakaw ng mga opisyal. Hindi maikakaila na may kaugnayan dito ang pagkamatay ni Usec. Cabral. Ngunit sa kabila ng mga kuwentong ito na sumisira sa pag-asa, nangingibabaw pa rin ang kasaysayan ng buhay ni Maria—Ina ni Kristo, Ina ng Diyos, at Ina nating lahat.


Salamat po, Inang Maria, sa pag-asang inyong ibinabahagi. Salamat sa pagbabagong inyong itinuturo at sa kalayaang isinabuhay ninyo—kalayaan mula sa takot, kasalanan, at kahinaan. Salamat sa inyong pag-aaruga kay Kristo at sa bawat isa sa amin. Salamat sa inyong pagiging daluyan ng buhay at pagpapala ng Diyos. Salamat sa Pasko, sa kapanganakan ni Kristo, ang Anak ng Diyos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page