Good news, inabandonang balikbayan boxes, libreng ipamimigay
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 21, 2025

Sa bansang milyun-milyon ang nag-a-abroad para lamang mabigyan ng mas maayos na buhay ang kanilang pamilya, ang balikbayan box ay hindi basta kahon lamang. Ito ay simbolo ng sakripisyo, pangungulila, at pagmamahal na ipinapadala para sa kanilang mahal sa buhay.
Kaya’t ang balitang ipapamigay nang libre ang mahigit 130,000 nakatiwangwang na balikbayan boxes ay hindi lang simpleng anunsyo ng gobyerno, kundi isang mahalagang paalala kung sino ang dapat pinagsisilbihan ng sistema.
Nilinaw ng Bureau of Customs na ang mga nasabing balikbayan boxes ay ipamamahagi nang walang anumang bayad.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, ang mga kahon ay mula sa 114 container na idineklarang abandonado matapos hindi matubos ng mga pribadong deconsolidator. Dahil sa pagkabigong magbayad ng shipping charges, buwis, at kaukulang bayarin, naipit ang mga kahon sa bodega ng ahensya sa loob ng walong buwan hanggang dalawang taon.
Habang abala ang ilang kumpanya sa kapabayaan at kawalan ng pananagutan, ang mga pamilyang Pilipino ang nagdusa. Taon ang binilang bago muling maramdaman ang yakap ng mahal sa buhay sa anyo ng balikbayan boxes.
Sa gitna ng lahat ng ito, naging mahalagang hakbang ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maipamahagi ang mga balikbayan boxes bago mag-Pasko.
Sablay ang sistema, at malinaw na may kailangang ayusin sa proseso ng pagpasok at paglabas ng mga kargamento sa bansa. Ngunit sa pagkakataong ito, nanaig ang interes ng publiko kaysa interes ng negosyo. Ipinakita na kayang ituwid ang pagkukulang kapag may malinaw na utos at malasakit sa taumbayan.
Ang libreng pamamahagi ng mga balikbayan boxes ay hindi lamang solusyon sa isang backlog. Isa itong paalala na ang gobyerno ay nararapat magsilbi, lalo na sa panahong ang bawat kahon ay may dalang luha, pawis, at pag-asa para sa pamilya.
Kapag ang malasakit ang nauuna, mas nagiging makatao ang batas at mas ramdam ng mamamayan ang gobyernong tunay na para sa kanila.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments