top of page

Parusa sa pagrekord ng pribadong usapan nang walang permiso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 30, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Pinaghihinalaan ko na ang matalik kong kaibigan na si Grace ay kumakabit sa boyfriend ko. Upang makasiguro, inimbitahan ko si Grace upang makausap siya ng personal tungkol sa hinala ko. Lingid sa kaalaman ni Grace ay naglagay ako ng voice recorder sa ilalim ng kanyang upuan upang magkaroon ako ng ebidensya laban sa boyfriend ko. Umamin naman si Grace sa akin na siya nga ay kumabit sa boyfriend ko. Dahil dito, kinompronta ko ang boyfriend ko tungkol sa kanyang pagtataksil at ipinarinig ko sa kanya ang pag-amin sa akin ni Grace gamit ang itinago kong voice recorder. Ngayon ay nais akong sampahan ng kaso ni Grace dahil sa paggamit ko ng nakatagong voice recorder nang walang paalam mula sa kanya. Maaari ba akong makasuhan kahit na ako naman ay partido sa usapan na nakuha ng itinago kong voice recorder? -- Sherilynn



Dear Sherilynn, 


Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No.  4200 o mas kilala bilang “Anti-Wiretapping Law” upang ipagbawal ang mag-tap sa anumang kawad o kable, o sa pamamagitan ng paggamit ng anumang iba pang aparato o kaayusan, upang lihim na marinig, maharang, o marekord nang walang pahintulot ng lahat ng partido sa pribadong komunikasyon o usapan, sa pamamagitan ng paggamit ng dictaphone, dictagraph, walkie-talkie, tape recorder, o tulad sa mga nabanggit. Ito ay nakasaad sa Seksyon 1 ng nasabing batas:


Section 1. It shall be unlawful for any person, not being authorized by all the parties to any private communication or spoken word, to tap any wire or cable, or by using any other device or arrangement, to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word by using a device commonly known as a dictaphone or dictagraph or dictaphone or walkie-talkie or tape recorder, or however otherwise described:


It shall also be unlawful for any person, be he a participant or not in the act or acts penalized in the next preceding sentence, to knowingly possess any tape record, wire record, disc record, or any other such record, or copies thereof, of any communication or spoken word secured either before or after the effective date of this Act in the manner prohibited by this law; or to replay the same for any other person or persons; or to communicate the contents thereof, either verbally or in writing, or to furnish transcriptions thereof, whether complete or partial, to any other person: Provided, That the use of such record or any copies thereof as evidence in any civil, criminal investigation or trial of offenses mentioned in section 3 hereof, shall not be covered by this prohibition.


Ayon din sa nasabing probisyon ng batas, labag din sa batas para sa sinumang tao, maging kalahok man siya o hindi sa mga kilos na pinarusahan ng nasabing batas, na sadyang nagtataglay ng anumang tape record, wire record, disc record, o anumang iba pang ganoong record, o mga kopya nito, ng anumang komunikasyon o usapan; o i-replay ang pareho para sa sinumang ibang tao; o upang ipaalam ang mga nilalaman nito, sa salita man o sulat, o magbigay ng mga transkripsyon nito, kumpleto man o bahagya, sa ibang tao.


Gayundin ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Socorro D. Ramirez vs. Honorable Court of Appeals and Ester S. Garcia (G.R. No. 93833, 28 September 1995, sa panulat ni Kagalang-galang na Associate Justice Santiago M. Kapunan) na:


The law makes no distinction as to whether the party sought to be penalized by the statute ought to be a party other than or different from those involved in the private communication. The statute’s intent to penalize all persons unauthorized to make such recording is underscored by the use of the qualifier ‘any’. Consequently, as respondent Court of Appeals correctly concluded, ‘even a (person) privy to a communication who records his private conversation with another without the knowledge of the latter (will) qualify as a violator’ under this provision of R.A. 4200.”


Alinsunod sa nasabing kaso, walang pagkakaiba sa batas kung ang akusado ay isang partido sa pribadong usapan o hindi. Ang layunin ng batas na parusahan ang lahat ng mga taong hindi awtorisadong nagrekord ng pribadong komunikasyon ay binibigyang-diin ng paggamit ng salitang “sinuman”. Dahil dito, kahit pa ang mismong partido sa usapan ang nagrekord ng pribadong komunikasyon nang hindi alam ng kanyang kausap, ay maaaring malabag ang R.A. No. 4200.  


Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, kahit pa ikaw ay partido sa pribadong komunikasyon, kung ang pagrekord nito ay walang pahintulot ng iyong kausap, maaari kang maparusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o higit sa anim na taon, alinsunod sa R.A. No. 4200.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page